Isang Grade 8 pupil ang nabaril at napatay ng kanyang mga kapwa estudyante habang magkakasama ang mga ito sa loob ng isang kuwarto sa Paco, Manila, kamakalawa ng hapon.
Namatay habang ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Aldrin Cahilig, 16, ng 1926 Anakbayan St., Paco, Manila dahil sa tinamong tama ng bala sa dibdib at kaliwang kamay.
Kapwa at large naman ang dalawang suspek, na hindi na pinangalanan, na ang isa ay 15-anyos, Grade 9, residente ng A. Linao Street, Paco at ang isa naman ay 16-anyos, Grade 8, residente ng F. Munoz Street, Malate.
Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong 2:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa loob ng kuwarto ng 15-anyos na suspek, sa ikalawang palapag ng Unit A 12 JML Compound, 1440 A. Linao Street, sa Paco, Maynila.
Base imbestigasyon, ginising umano si Maricris Hantic, ina ng 15-anyos na suspek, ng kanyang biyenan matapos makarinig ng putok ng baril na nagmula sa kuwarto ng anak.
Nang puntahan, nakasalubong umano ni Hantic ang mga suspek na buhat ang duguang biktima at isasakay sana ng motorsiklo upang dalhin sa pagamutan.
Pinayuhan naman ng ginang ang mga suspek na isakay na lamang ng tricycle ang biktima para mas madali itong madala sa ospital ngunit namatay din habang ginagamot dakong 3:11 ng hapon.
Nangangalap pa ang mga awtoridad ng sapat na impormasyon upang matukoy ang detalye ng mga pangyayari para malaman kung sinadya ba o hindi ang pamamaril. (Mary Ann Santiago)