SA maraming usaping dinesisyunan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, dalawa ang pinakamahahalaga para sa Pilipinas—ang oil exploration sa Recto Bank at ang pagpalaot ng mga mangingisdang taga-Zambales sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
May natuklasang pagkapinsala ng mga bahura sa ilang isla sa South China Sea, na tinanggap ng mga environmentalist sa mundo. Ang pasya na ang mga artipisyal na islang itinayo sa ilan sa mga bahura ay walang karapatan sa sarili nitong 200-milyang Exclusive Economic Zone (EEZ) ay nangangahulugan na hindi ito magagamit upang igiit ang sovereign rights para pakialaman ang mga likas na yaman. At ang desisyong walang legal na basehan ang Nine-Dash Line na ikinakatwiran ng China para angkinin ang halos buong South China Sea ay kumakatig sa malayang paglalayag sa buong karagatan na dinadaanan ng maraming barkong pangkalakalan mula sa iba’t ibang bansa.
Ngunit ang Recto Bank at ang Scarborough Shoal ang pinakapinangangambahan natin sa lahat.
Ang Recto Bank, na kilala rin bilang Reed Bank, ay nasa kanlurang dalampasigan ng Palawan at nasa silangan ng mga isla sa hilaga na Spratlys. Isang grupong pinangungunahan ng Philex Petroleum ang nagsagawa ng exploration para sa petrolyo at gasolina sa Recto Bank noong 2012 nang pigilan ito ng Department of Energy dahil sa alitan sa China National Offshore Oil Corporation (CNOOC) kaugnay ng mga karapatan sa paggalugad sa lugar na una nang iginawad ng administrasyong Arroyo.
Nagsimulang magsulputan sa lugar ang mga barko ng China noong unang taon ng administrasyong Aquino, at sa utos na rin ng Department of Energy, nagdesisyon ang grupo ng Philex na iurong na lang ang proyekto. Nabigo ang alok nitong pakikipag-ayos sa CNOOC at hindi na nagsagawa ng ano pa mang paggalugad sa lugar simula noon.
Sa kanyang State of the Nation Address noong 2011, binanggit ni Pangulong Aquino ang Recto Bank nang ilahad niya ang mga hakbangin para paigtingin ang seguridad sa bansa. Inihayag niya ang pagdating ng unang Hamilton-class cutter ng bansa, at ng mas marami pang barko sa hinaharap, pagbili ng mas maraming helicopter, patrol craft, at armas. Sinabi niya: “Now our message to the world is clear: What is ours is ours; setting foot on Recto Bank is no different from setting foot on Recto Avenue.”
Sa SONA na ito noong 2011 niya inihayag na pinag-aaralan ng gobyerno ang posibilidad na idulog ang usapin sa South China Sea sa International Tribunal for the Law of the Sea,”to make certain that all nations involved approach the dispute with calm and forbearance.”
Ang Scarborough Shoal ay isang tradisyunal na pangisdaan ng mga mangingisdang Pinoy at nasa kanluran lang ng Zambales, saklaw pa rin ng Exclusive Economic Zone ng bansa. Kung sa Recto Bank ay mayroong nasa 213 bilyong bariles ng langis at dalawang quadrillion cubic feet ng natural gas ang sangkot, sa Scarborough, ang tanging hangad natin ay ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda na matagal nang pumapalaot sa ating mga karagatan.
Makaraang ilabas ang desisyon ng PCA, tinangka ng ating mga mangingisda na subukan kung maaari na nilang ipagpatuloy ang pangingisda sa lugar, ngunit itinaboy sila. Hanggang ngayon, hindi pa rin sila nakakabalik sa dati nilang pinapangisdaan.
Anumang araw ngayon ay magtutungo si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa Beijing upang mabatid kung ano ang maaaring mapagkasunduan ng dalawang bansa kasunod ng naging desisyon ng PCA, na ayaw tanggapin ng China. Tiwala tayong ang dating Pangulo, dahil sa kanyang reputasyon at malapit na ugnayan sa China sa nakalipas na mga taon, ay makahahanap ng paraan upang magkaroon ng kasunduan sa ating higanteng kalapit-bansa sa hilaga-kanluran. Magiging katanggap-tanggap ang pagbuhay sa dating joint-exploration arrangement sa Recto Bank. Gayundin, kasabay nito, ay ang pagbabalik ng maliliit na mangingisda sa dati nilang pinaghahanguan sa Scarborough o Bajo de Masinloc.