Tuluyan nang sinibak ang buong puwersa ng Quezon City Police District–District Anti-Illegal Drugs (QCPD-DAID) bilang pagtalima sa direktibang linisin ang hanay ng kapulisan mula sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Kinumpirma mismo ni QCPD Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang pagsibak sa buong puwersa ng DAID na binubuo ng 35 na tauhan mula sa District Anti-Ilegal Drugs-Special Operations Task Group (DAID-SOTG), kasama ang hepe na si Enrico Figueroa.

Ang hakbang ay kasunod ng pagkakapaslang kay Sr. Insp. Ramon Castillo ng DAID, matapos umanong makipagbarilan sa pulisya sa isinagawang buy-bust operation noong Martes ng madaling araw. Si Castillo ay nakumpiskahan umano ng halos P1 milyong halaga ng shabu.

“Para mas maging effective ang trabaho, pahinga muna sila. Marami naman tayong puwedeng pumalit muna,” pahayag ni Eleazar.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Aniya, ang bagong DAID chief ay si Supt. Godfredo Kinhude Tul-O mula sa Davao City.

Idinagdag pa niya na 53 pang personnel mula sa Batasan Police Station’s anti-illegal drugs (SAID) ang nakatakdang sibakin sa kani-kanilang posisyon.

“Ito ay as per the recommendation of their (PS-6) chief, Supt. Lito Patay, after ng entrapment operation,” aniya, kung saan tinutukoy ang dalawang SAID personnel na nahuling nakikipagnegosasyon sa pamilya ng naaresto sa droga.

“To intensify the campaign against illegal drugs in Quezon City, we need to infuse new blood in our anti-illegal drug units,” dagdag pa ni Eleazar.

Matatandaang sa unang bahagi ng buwang ito, 44 na QCPD personnel ang inilipat sa Mindanao dahil umano sa pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at JUN FABON)