Pansamantalang pinigil ng Supreme Court (SC) ang implementasyon ng curfew para sa mga batang nag-eedad ng 18-taon pababa, na ipinatutupad ngayon sa Maynila, Quezon City at Navotas.
Sa pamamagitan ng ‘full court session’, ipinalabas ng SC ang temporary restraining order (TRO) sa pagpiit at pagpigil sa mga naaarestong menor de edad na ginagawa mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga, sapagkat posibleng ito ay ilegal.
“The Court, acting on the petition for certiorari and prohibition with application for a temporary restraining order challenging the ‘Curfew Ordinances’ of the three local governments as ultra vires for being contrary to Republic Act 9334 (Juvenile Justice and Welfare Act), issued a temporary restraining order effective immediately and until further orders enjoining the three local government units from implementing and enforcing the ‘Curfew Ordinances’,” banggit ni SC Spokesman Theodore O. Te sa SC resolution.
Ang hakbang ng SC ay base sa petisyong isinampa ng Samahan ng mga Progresibong Kabataan (SPARK) kung saan respondents sina Quezon City Mayor Herbert Bautista, Manila City Mayor Joseph Ejercito Estrada, at Navotas City Mayor John Rey Tiangco.
Inatasan ng SC ang tatlong alkalde na sagutin ang petisyon ng SPARK sa loob ng sampung araw.
Sa kanilang petisyon, binigyang diin ng SPARK na labag sa Saligang Batas ang curfew sapagkat nagreresulta ito sa ‘arbitrary’ at ‘discriminatory enforcement’ lalo na’t malawak ang sakop nito.
Nabibitin umano ang mga lehitimong gawain ng mga bata dahil sa oras ng curfew, at nasisikil ang kanilang ‘right to travel’ ng walang ‘due process’. (Rey G. Panaligan)