Unti-unti na ngang nalalagas ang mga pulis na sangkot sa ilegal na droga.
Tuluyan nang nagwakas ang buhay ng isang anti-illegal drug cop, na nagre-recycle umano at nagbebenta ng ilegal na droga, habang tinatayang P1 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasamsam sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) chief Senior Supt. Guillermo Eleazar, napatay sa engkuwentro si Senior Ins. Ramon Castillo, 47, sa isinagawang buy-bust operation sa kahabaan ng Dahlia Avenue sa Barangay Greater Fairview, dakong 3:35 ng madaling araw kahapon.
Si Castillo ay aktibong miyembro ng Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (DAID-SOTG) ng QCPD simula pa noong Agosto 2015. Kahit pa naging negatibo ang resulta ni Castillo sa mandatory drug testing ng QCPD kamakailan, napag-alaman na nagre-recycle umano si Castillo at nagbebenta ng ilegal na droga na nakumpiska sa mga nagdaang pagsalakay, dahilan upang bansagan siyang “ninja cop.”
“We have received an intelligence report from the higher headquarters about Castillo’s activity, so vinalidate natin,” pahayag ni Eleazar.
Sa pagsasanib-puwersa ng District Special Operations Unit ng QCPD, Quezon City Criminal Investigation and Detection Group (QC-CIDG) at Highway Patrol Group-Special Operations Division (SOD-HPG) ng PNP, nakipagkasundo ang mga awtoridad na makipagnegosasyon sa suspek sa harap ng isang fast food chain.
Gayunman, bago pa man matapos ang transaksyon, nakatunog na umano si Castillo na siya’y aarestuhin.
Upang makatakas, sumakay umano si Castillo sa kanyang itim na Toyota Innova at pinaputukan ang mga pulis at nagkahabulan na umabot hanggang sa Regalado Avenue.
Nahinto ang habulan nang makorner si Castillo malapit sa isang ospital sa Bullova St., at hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang mga awtoridad at sunud-sunod na pinagbabaril si Castillo na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Nasamsam mula sa sasakyan ng suspek ang anim na sachet na naglalaman ng 200 gramo ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga.
Narekober din ang 9 mm pistol, dalawang magazine na naglalaman ng 22 live ammunition. Nakuha rin ang iba’t ibang identification (ID) card ng susupek, dalawang cellphone at wallet na may P3,490 cash.
Samantala, nilinaw ni Eleazar na makailang beses na niyang pinaalalahanan ang mga kasamahang pulis.
“Hindi tayo nananakot. In fact, even before the results of the drug test kinausap ko na sila na this time, gawin na nila nang tama ‘yung trabaho nila. Wala na akong pakialam sa nagawa nila dati basta magtrabaho na sila nang tama,” paglilinaw ni Eleazar.
“Ang sa akin, gagamitin natin yung information para i-monitor sila kung ginagawa pa nila ‘yung illegal activity. Kung ginagawa pa nila then they have to face the consequences,” dagdag pa ng QCPD chief.
(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at JUN FABON)