Hinatulan kahapon ng isang korte sa Malaysia ang siyam na Pilipino ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa armadong paglusob noong 2013 na ikinamatay ng marami at ilang linggong pumaralisa sa isang malayong bayan sa Borneo , sinabi ng defence lawyer.
Walong iba pa, kabilang ang tatlong Malaysian, ang hinatulan ng 10 hanggang 18 taong pagkakakulong, ayon sa abogadong si N. Sivananthan.
Ang madugong paglusob ng may 200 Muslim mula sa katimugan ng Pilipinas ay inudyukan ng makasaysayang pag-angkin ng isang Filipino sultanate sa teritoryo ng Sabah sa isla ng Borneo na ngayon ay nasa ilalim ng Malaysia.
Ang paglusob,ang pinakamatinding krisis sa seguridad na hinarap ng Malaysia sa loob ng maraming taon, ay nagresulta sa sagupaan ng mga Pilipinong Muslim at ng Malaysian armed forces na ipinadala para sila ay itaboy.
May 70 katao ang namatay, karamihan ay mga Pinoy, sa anim na linggong labanan.
Kabilang sa mga hinatulan ng habambuhay ang 53-anyos na si Amir Bahar Hushin Kiram, anak ni Sulu Sultan Esmail Kiram.
Si Esmail, namatay noong 2015, ay tagapagmana ng Sultanate of Sulu, na noong unang panahon ay sakop ang ilang bahagi ng katimogan ng Pilipinas at ang Sabah. (Agence France Presse)