SA kanyang unang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, inilahad ni Pangulong Duterte ang kanyang mga plano sa bansa sa susunod na anim na taon.
Para sa kapayapaan at kaayusan at pambansang seguridad, nagdeklara siya ng unilateral ceasefire sa New People’s Army na ilang dekada na ang rebelyon. Sinabi niyang nais din niyang iwasto ang makasaysayang kawalan ng hustisya laban sa mamamayang Moro; kaya naman ipagkakaloob niya sa mga ito ang Bangsamaoro Basic Law (BBL) nang wala ang mga kontrobersiyal na usaping legal.
Para sa pambansang kaunlaran, nanawagan siya ng mas mababang corporation tax at pagpapaluwag sa bank secrecy law.
Umapela siya ng mas madaling proseso para sa mga negosyante—upang makahikayat ng mas maraming pamumuhunan at magbigay ng mas maraming trabaho para sa mamamayan. Mas maraming imprastruktura ang ipatatayo upang makatulong na maibsan ang problema sa transportasyon sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa.
Para sa mas matatag na istrukturang pulitikal sa bansa, nagpanukala siya ng isang federal na sistema ng gobyerno na may pangulo, gaya ng sa France. Kung mararatipikahan ito ng mamamayan tatlong taon mula ngayon, sinabi niyang handa siyang bumaba sa puwesto at maaari nang maghalal ng bagong pinuno ang mga Pilipino.
Para sa karaniwang mamamayan ng bansa, bibigyan niya sila ng saganang mapangingisdaan, gaya ng mga lawa at iba pang lugar. Nanawagan siya para sa mga one-stop shop upang ang mga aplikante ng pasaporte, driver’s license, at iba pang dokumento ng gobyerno ay hindi na kailangan pang magpabalik-balik sa mga tanggapan ng pamahalaan upang magsumite ng sangkatutak na requirements. Umapela siya para sa istriktong pagpapatupad ng Magna Carta on Women’s Rights. Lubusan na rin ang maging pagpapatupad sa Reproductive Health Law. Hindi magkakasa ng demolisyon sa bahay ng mga squatter hanggang walang aktuwal na relokasyon para sa kanila. Idineklara rin niyang hindi mapalalampas ang pagpaslang sa mga miyembro ng media.
Dapat nating gawin ang lahat ng ito, aniya, dahil ito ang tamang gawin. Ito ang paulit-ulit na tema sa lahat ng plano at hakbanging ito.
May isa pang tema na lubos na tinatanggap ng bansa. “This will be a clean government,” pangako ni Pangulong Duterte.
Marami nang pinuno ang nangako nito sa nakalipas na mga taon, ngunit malinaw na hindi naman naibsan ang kurapsiyon sa gobyerno sa kabila ng pagsusumikap ng marami sa mga pinunong ito.
Nangako si Pangulong Duterte na pamumunuan ang isang malinis na gobyerno. Hangad niyang maisakatuparan ang mga layuning ito para sa pambansang seguridad, para sa kaunlarang pang-ekonomiya, para sa katatagang pulitikal, at pagkakaroon ng puso at malasakit para sa karaniwang mamamayan. At kumpiyansa tayong buong giting niyang gagawin ang lahat upang matiyak na walang bahid dungis ang ating gobyerno.