TATLONG makatuturang eksena ang naging tampok sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na natitiyak kong kaagad naikintal sa kamalayan ng mga mamamayang Pilipino—mga pangyayari na may kaugnayan sa pagbuhay ng Demokrasya, matatag na paninindigan sa pagtupad ng mga programa, at pagpapamalas ng kultura ng kapayakan o pagkasimple.
Totoong maraming naganap sa SONA kamakalawa na maituturing na “first-time” o ngayon lamang natin nasaksihan. Subalit ang mga pangyayaring nabanggit sa itaas ay namumukod-tangi. Kamangha-mangha, halimbawa, ang biglang pagbabagong-anyo ng galaw ng libu-libong raliyista sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at sa iba pang panig ng Metro Manila. Maliwanag na nakalimbag sa kanilang mga placards o kartelon ang “kilos-suporta” sa halip na “kilos-protesta”; masasayang bumabagtas sa kahabaan ng naturang lansangan na walang naharang na dambuhalang mga container at bukas sa trapiko ang magkabilang kalsada; kaagapay sa paglalakad patungong Batasan Pambansa (BP) ang libu-libong pulis habang tila nalilibang sa pagkukuwentuhan; may pagkakataon na inaabutan pa ng pagkain ng mga alagad ng batas ang mga raliyista.
Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga demonstrador ay nakalapit sa BP; pagkatapos ng SONA, sila ay pinayagang pumasok at malugod namang kinausap ni Pangulong Duterte. Natitiyak ko na buong-pusong pinakinggan ng Pangulo ang kanilang mga karaingan. Hindi ba ito isang patunay ng pagbuhay ng Demokrasya?
Ang pakikipag-ugnayan ng isang Pangulo sa mga raliyista na hindi natin nasaksihan sa mga nakalipas na administrasyon?
Sa kainitan ng pagbigkas ni Pangulong Duterte ng kanyang SONA, damang-dama ang kanyang matatatag na paninindigan na tutuparin ang lahat ng kanyang mga ipinahayag. Katunayan, sunud-sunod ang kanyang mga direktiba na kailangang ipatupad kaagad, lalo na ang pagpuksa ng kriminalidad, panganib ng droga at mga katiwalian; kabilang din ang pagbuwag sa mga illegal bus terminal at iba pa. Sinimulan nang ipatupad ang mga ito noon pa mang matiyak ang kanyang panalo sa halalan.
Kapuri-puri rin ang pakikiisa ng lahat, lalo na ng mga kababaihan sa pagpapahalaga sa kultura ng kapayakan o pagkasimple sa pananamit. Sa halip na fashion gowns, ang mga lady legislator ay nakasuot lamang ng simpleng pananamit. Dahil dito, nalito ang taumbayan at hindi matiyak kung sino ang yumaman at napayaman sa tungkulin; hindi rin matiyak kung sinu-sino ang tunay na mayayaman.
Sana, ang ilan sa nabanggit na mga “first-time scene” ay lagi na nating masasaksihan sa susunod na mga SONA.
(Celo Lagmay)