MATAAS NA KAHOY, Batangas - Wala pang isang buwan matapos ang proklamasyon ay pinalitan na ang alkalde sa bayang ito, kasunod ng pagkansela ng Commission on Elections (Comelec) en banc sa certificate of candidacy (CoC) ng nahalal na alkalde.
Sa limang-pahinang writ of execution nitong Hulyo 5 na pirmado ni Comelec Commissioner Andres Bautista, “denied” ang motion for reconsideration na inihain ni Mayor Jay Ilagan nitong Mayo 3.
Matatandaang nagsampa ng petisyon si dating Vice Mayor Henry Laqui laban kay Ilagan noong Oktubre 27, 2015dalawang araw matapos maghain ng CoC ang alkalde.
Abril 25 naman nang maglabas ng desisyon ang Comelec Second Division na nagkakansela sa CoC ni Ilagan para sa re-election nito dahil sa pagtatago umano nito kaugnay ng kasong rape na inihain laban sa alkalde.
Disyembre 2013 nang kinasuhan ng rape at paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Person) si Ilagan sa Office of the City Prosecutor sa Ormoc, at inisyuhan ng arrest warrant ng Regional Trial Court Branch 35 sa Ormoc City.
“Fugitive from justice” ang ikinatriwan ng Comelec sa pagkansela sa kandidatura ni Ilagan kaya idineklarang panalo si Gualberto Silva, na pumangalawa sa bilangan ng boto.
APELA SA KORTE SUPREMA
Kaagad namang naghain sa Korte Suprema ng petition for certiorari at agarang aplikasyon para sa temporary restraining order (TRO) ang kampo ni Ilagan noong Hulyo 11.
Sa 37-pahinang petisyon ni Ilagan laban sa Comelec at kina Laqui at Silva, iginiit niyang hindi siya nagtago dahil gumagawa siya noon ng legal remedies sa kaso at habang dinidinig ang kaso ay patuloy na gumaganap sa kanyang tungkulin bilang mayor.
Personal din umanong nakipag-ugnayan si Ilagan sa korte ng Ormoc at sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Enero 25.
Binigyang-diin din ni Ilagan sa kanyang petisyon mahigit 2,000 boto ang lamang niya kay Silva kaya malinaw, aniya, na siya ang nanalo at nais ng mga tao na mamuno sa kanila.
Sa panayam kay Vice Mayor Janeth Ilagan, asawa ng dating mayor, sinabi niyang imbento lang ng kanilang mga kalaban sa pulitika ang kasong isinampa laban sa kanyang asawa.
“Lahat ‘yan (kaso) fabricated ng mga kalaban namin sa pulitika. The voice of the people is the voice of God, bakit nila pauupuin ang talo?” ani VM Ilagan.
“Hindi po totoo ‘yung fugitive from justice, dahil hindi pa naman siya convicted,” depensa pa ng bise alkalde.
Bagamat hindi tanggap ang desisyon ng Comelec, sinabi ng bise alkalde na irerespeto nila ito at hihintayin na lang ang pinal na desisyon ng Korte Suprema sa kanilang petisyon.
Si VM Ilagan ang nagsilbing acting mayor simula noong Hulyo 5, matapos manumpa ang kanyang asawa na agad ding nag-file ng leave dahil kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI, habang hinihintay ang promulgasyon sa kanyang kaso.
(Lyka Manalo)