NAGSISIMULA pa lamang ang kanyang administrasyon, ngunit dapat matuwa si Pangulong Rodrigo Duterte sa resulta ng survey ng Pulse Asia na nagpapakita na 91 porsiyento ng mga Pilipino ay nagtitiwala sa kanya bilang kanilang pinuno.
Walong porsiyento ng mga tumugon sa nasabing survey ay walang opinyon, ngunit 0.2% ang maliit ang tiwala. Samakatwid, halos lahat ng Pilipino ay nagtitiwala sa bagong Pangulo.
Kritikal ang pagtitiwala ng mamamayan sa kakayahan ng pamahalaan na maging epektibo. Mahalaga rin ang tiwala upang makuha ang kooperasyon ng publiko sa mga programang ipinatutupad ng gobyerno.
Hindi kataka-taka na nakuha ni Pangulong Duterte ang mataas na porsiyento ng pagtitiwala ng mga tao. Pagkatapos magwagi sa halalan, mabilis siyang kumilos upang lutasin ang mga suliranin ng bansa.
Maaaring sa paningin ng iba ay mas mahalaga kung pinagtuunan niya ng pansin ang mga isyu sa trabaho, ekonomiya at reporma sa pulitika, sa halip na krimen at bawal na gamot, ngunit ang huli ang namamayani sa isip ng karaniwang mamamayan.
Noong panahon ng halalan, tinukoy ko ang limang mahahalagang isyu na haharapin ng bagong pangulo: kapayapaan, ilegal na droga, kilusang Komunista, rebelyon ng mga Muslim, at alitan ng Pilipinas at China. Hinarap agad ni Pangulong Duterte ang mga isyung ito.
Isa sa kanyang unang mga hakbang ay ang pagdedeklara ng digmaan laban sa krimen at droga. Marahil, bunga nito ang pagsuko at pagsailalim sa rehabilitasyon ng libu-libong nagbebenta at gumagamit ng droga.
Ito ay malaking tagumpay ngunit hindi rito natatapos ang problema. Gayunman, ito ay unang malaking hakbang upang sugpuin ang salot sa lipunan, at tiyak na ikatutuwa ng karaniwang mamamayan.
Kaugnay ng hakbang na ito ay ang isyu ng paglabag sa proseso at karapatang pantao. Tatalakayin ko ang bagay na ito sa hinaharap, ngunit ngayon pa lamang ay sinasabi ko na maaaring balansehin ang kampanya laban sa droga at krimen at ang paggalang sa karapatang pantao.
Gumawa rin ng mga hakbang si Pangulong Duterte tungkol sa isyu ng kapayapaan sa Mindanao at sa kilusang komunista.
Sinimulan niyang makipag-usap sa mga komunista upang buhayin ang usapang pang-kapayapaan.
Ipinahayag din niya ang kanyang suporta sa tunay na awtonomiya sa Mindanao, sa pagtatatag ng sistemang federalism sa gobyerno.
Sa huli, naniniwala ako na nabalanse ni Pangulong Duterte ang kasiyahang bunga ng pagwawagi ng Pilipinas sa usapin sa Permanent Court of Arbitration at ang pangangailangan na gamitin ang diplomasya at negosasyon sa pagharap sa China.
Wala pang isang buwan sa puwesto ang bagong Pangulo kaya maaga pa upang sabihin na matagumpay ang kanyang administrasyon, ngunit ngayon pa lamang ay humahanga na ako. Sa maikling panahon ay ‘tila isa na siyang beterano sa serbisyo publiko. (Manny Villar)