Naperwisyo ang libu-libong pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) 3 matapos tamaan ng kidlat ang kableng dinaraanan ng tren noong Linggo ng gabi.
Ayon kay MRT-3 General manager Roman Buenafe, dakong 6:30 ng gabi kamalawa nang tamaan ng kidlat ang kable sa ibabaw ng isang tren na bumibiyahe sa pagitan ng Santolan at Ortigas stations dahilan ng paghinto nito.
Nagtagal ng 10-minuto sa loob ng humintong tren ang mga pasahero bago sapilitang pababain ng MRT personnel.
Walang nagawa ang mga pasahero na nagmistulang “basang-sisiw” kundi sagupain ang malakas na ulan habang naglalakad sa gilid ng riles dulot ng naturang aberya.
Agad nagpatupad ang pamunuan ng MRT ng provisionary service o limitadong biyahe ng tren magmula Shaw Boulevard station sa Mandaluyong City hanggang Taft Avenue sa Pasay City.
Dinala ang nasirang tren sa Pasay depot upang kumpunihin para maihabol at magamit sa operasyon ng MRT kahapon.
(Bella Gamotea)