LAUSANNE, Switzerland (AP) — Nanindigan ang 15-man Executive Board ng International Olympic Committee (IOC) sa karapatan ng bawat atleta na makalaro sa Olympics at kagyat na ibinasura ang panawagan ng anti-doping group para sa ‘total ban’ ng Team Russia sa Rio Games.
Sa desisyon ng IOC, ibinigay nila sa 27 sports federation ang desisyon kung papayagan ang Russia na makilahok sa quadrennial Games na nakatakda sa Agosto 5-21.
Nauna nang nagpalabas ng ‘banned’ ang International Amateur Athletics Federation (IAAF) laban sa mga atleta ng Russia matapos mabulgar ang malawakang pandaraya sa sistema ng doping ng state-run doping agency.
“Every human being is entitled to individual justice,” pahayag ni IOC President Thomas Bach.
Ngunit, pinagtibay ni Bach ang desisyon na pagbabawal sa mga atleta na nasabit sa kanilang doping test.
Inatasan din ng IOC ang lahat ng international sports federation na tignan at suriin ang drug testing record ng mga atletang namamalagi sa Russia. Ang independent sports arbitrator ang siyang magaapruba ng final line up ng koponan.
Kinastigo ng anti-doping body ang naging desisyon ng IOC at iginiit na binalewala ng Olympic body ang isyu para sa patas na laban.
“In response to the most important moment for clean athletes and the integrity of the Olympic Games, the IOC has refused to take decisive leadership,” pahayag ni US Anti-Doping Agency CEO Travis Tygart.
“The decision regarding Russian participation and the confusing mess left in its wake is a significant blow to the rights of clean athletes.”
Lumakas ang panawagan para sa total ban sa Team Russia matapos ipahayag ni Richard McLaren, isang Canadian lawyer na itinalaga ng WADA, ang resulta ng kanyang imbestigasyon na may basbas ng sports ministry ng Russia ang naging pandaraya sa resulta ng doping test.
“An athlete should not suffer and should not be sanctioned for a system in which he was not implicated,” sambit ni Bach.
“It is fine to talk about collective responsibility and banning everybody, but at the end of the day we have to be able to look in the eyes of the individual athletes concerned by this decision.”