SA kauna-unahang pagkakataon, maririnig natin si Pangulong Digong sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Malalaman natin kung saan niya dadalhin ang ating bansa. Armado siya ng sapat na impormasyon at karunungan upang hiwalayan ang “Tuwid na Daan” at tahakin ang bagong landas.
Ito ang kanyang natutuhan noong estudyante pa lang siya, sa pakikisalamuha niya sa mga taong ayaw tanggapin ng lipunan ang pananaw tungkol sa matagal nang problema ng bansa. Dahil nga komunista o makakaliwa sila, sarado noon ang isip ng mamamayan sa kanilang idinudulog na lunas para sila mahango sa kahirapan. Pero, pinatunayan ng panahon na may batayan ang remedyong kanilang ipinaglalaban. Kasama na nga ni Pangulong Digong ang iba sa pagpapatakbo niya sa gobyerno.
Dahil isinilang at lumaki ang Pangulo sa Mindanao, alam niya ang kaguluhang nangyayari roon na kumitil na ng maraming buhay. Alam niya ang ugat ng pagkahati- hati ng mamamayan sa lugar na ito. Kaya, sa mga naging Pangulo ng bansa, siya lamang ang nagtungo sa mapanganib na lugar na roon nagaganap ang madugong bakbakan ng militar at ng mga taong lumalaban sa pamahalaan. Bagamat pinalakas niya ang morale ng mga sundalo, sinabihan niya ang mga kapwa niya pulitiko na ang gulo ay dapat tumigil na.
Lahat ng naging Pangulo ng bansa ay nangakong gagapiin ang kahirapan. Kung ang sinasabing pinakatema ng SONA ni Pangulong Digong ay pagmamahal sa bayan, kahirapan din ang dapat niyang harapin at lunasan. Mahirap isaksak sa isipan ng mga nagugutom ang pagmamahal sa bayan.
Isa pa, ang pagmamahal sa bayan ay pagmamahal sa kapwa. Napakahirap makita sa kontekstong ito ang nagaganap na pagpatay araw-araw para lang tuparin ang pangakong wawakasan ang kriminalidad at ilegal na droga sa madaling panahon.
Kahit halos lahat ng napapatay ay mahirap, hindi ito ang paraan para magwagi laban sa kahirapan. Kahit pinapatay ang mga kriminal at lahat ng sangkot sa droga, hindi rin ito ang paraan para lunasan ang problema. Mananatili ang krimen, maaaring hindi droga pero sa mas grabeng uri, kung mananatiling mahirap ang mamamayan.
Ayaw sumunod sa Treaty of Paris laban sa climate change si Pangulong Digong. Kasi, pinalilimitahan sa lahat ng bansang lumagda sa tratado ang level ng kani-kanilang carbon footprints na sumisira sa klima. Hindi raw siya susunod dito dahil malilimitahan ang kakayahan ng ating bansa na mag-industrialize. Eh, ngayon lang daw tayo tutungo sa pag-iindustriya.
Tama ang Pangulo! Industrialization, implementation of genuine land reform at pag-abandona sa privatization ang hahango sa bansa sa kahirapan. Sana naisulat ni Pangulong Digong ang mga ito sa kanyang SONA. (Ric Valmonte)