Maayos ang naging biyahe ng Team Philippines at opisyal nang bahagi ng ‘Athletes Village’ sa Rio Olympics.

Matapos ang 25 oras na biyahe, dumating ang delegasyon ng Pilipinas at agad na inihatid sa kanilang nakahandang tirahan para sa susunod na 15 araw.

Nahihilo, ngunit ligtas naman ang delegasyon nakatuntong sa Rio sa pangunguna ni flag-bearer Ian Lariba ng table tennis. Kasama sa nakakapagod na 25-oras na biyahe sina Kirstie Elaine Alora ng taekwondo, Jessie Khing Lacuna ng swimming, Marestella Torres ng track and field, at sina Hidilyn Diaz, at Nestor Colonia ng weightlifting.

Si Diaz, at Torres-Sunang ay nasa kanilang ikatlong sunod na pagsabak sa Olympics habang si Lacuna ay nasa ikalawang pagkakataon sa quadrennial meet.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang kabuuan ng mga Pilipinong nakapagkuwalipika sa torneo ay darating sa Rio sa susunod na araw na binubuo nina boxer Rogen Ladon at Charly Suarez,na kapwa nagsasanay sa Estados Unidos; ang hurdler na si Eric Cray na nasa Texas; ang swimmer na si Jasmine Alkhaldi, na magmumula sa Hawaii; ang marathoner na si Mary Joy Tabal, na manggagaling sa Japan; at golfer na si Miguel Tabuena, na sumasabak pa sa King’s Cup sa Thailand.

Kasama ng mga atleta sina Chef-de-mission Jose Romasanta, at kapwa opisyal sa Philippine Olympic Committee na si Col. Jeff Tamayo, pati na ang team physician na si Dr. Ferninand Brawner at kani-kanilang coaches kabilang na ang dating SEA Games taekwondo king na si Kitoy Cruz.

Mula sa airport ay nakasama ng mga Pinoy ang kapwa delegasyon mula sa Malaysia, Hong Kong, at Uganda para sa isang oras na biyahe patungo na malawak na Athletes Village na binubuo ng matataas na condominium na may mga kuwarto na kayang maglagay ng pito hanggang walong katao. (Angie Oredo)