Kinatigan ng Court of Appeals ang ruling ng Office of the Ombudsman na naglilinis sa pilot examiner ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa kasong kriminal at administratibo kaugnay sa plane crash na kumitil sa buhay ni dating Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at dalawang iba pa.
Nasawi rin sa pagbagsak ng Piper Seneca plane si Capt. Jessup Bahinting, pilot; at trainee nito na si Nepalese Kshitiz Chand. Ang aide lang ni Robredo na si June Abrazado ang nakaligtas.
Sa desisyong sinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, ibinasura ng CA ang petisyon ng CAAP na humihiling na baliktarin ang joint order na inisyu ng Ombudsman noong Hulyo 31, 2014 at Hulyo 13, 2015 na nagdidismis sa administrative at criminal complaints laban kay CAAP’s Flight Operations Control Inspector 1 Nomer Christopher Lazaro.
Si Lazaro ang sumuri sa pilot proficiency flight ni Bahinting noong mag-renew ng lisensya ang nasabing piloto.
Sinabi ng CA na hindi umabuso ang Ombudsman nang idismis nito ang kaso laban kay Lazaro. (Rey Panaligan)