NANG magsimula ang administrasyon ni Pangulong Aquino anim na taon na ang nakalilipas, marami ang umasa na maisasabatas na sa wakas ang dalawang matagal nang pinakahihintay na panukala. Ito ay ang panukalang Anti-Dynasty Law at Freedom of Information Law.
Ang panawagan para sa unang panukala ay bahagi ng Philippine Constitution na niratipikahan noong 1897. Mayroong probisyon sa Konstitusyon na nagbabawal sa mga dinastiyang pulitikal sa Section 20, Article II, ng Declaration of Principles and State Policies. Ngunit hindi ito natutumbok ng batas; pagdedesisyunan pa ng Kongreso kung ang pagbabawal ay para sa una, o sa ikalawa, o ikatlong degree of consanguinity (sa dugo) o affinity (sa pagpapakasal).
Kailangan pang tukuyin kung pagbabawalan bang maluklok sa puwesto, ang anak ng isang alkalde, halimbawa. O kung sasaklawin din maging ang bayaw. O apo. Maaaring mabilis lang itong desisyunan ng mga miyembro ng Kongreso at pagtibayin bilang isang batas.
Ngunit hindi pa nagawa ng mga kasapi ng Kongreso na maghimay ng batas na gaya nito. Nagawa ni Pangulong Aquino na maisabatas sa Kongreso ang mga paborito niyang panukala ngunit malinaw na hindi siya naging masigasig sa Anti-Dynasty Bill. Kaya naman ang Section 20, Article II, ay nananatiling isang probisyon na bahagi ng Konstitusyon sa nakalipas na 29 na taon.
Sa bagong administrasyon ni Pangulong Duterte, sinabi ni Senador Franklin Drilon na muli niyang inihain ang Senate Bill 230, isang panukalang Anti-Political Dynasty Act. Partikular nitong ipinagbabawal ang isang first at second-degree relative (anak, ama, kapatid, apo) at asawa na kumandidato o maluklok sa anumang posisyong inihahalal sa kaparehong lalawigan, sa kaparehong eleksiyon. Ang mga panukalang limitasyon na ito ay maaaring palawakin o bawasan.
Ang mahalaga ay pinagtibay ang isang batas upang maipatupad ang nasabing probisyon sa batas.
Ang isa pang matagal nang pinakaaasam na batas—ang freedom of information—ay ilang taon na ring nakabimbin sa Kongreso. Nitong Sabado, nagpalabas si Pangulong Duterte ng executive order “operationalizing in the executive branch the people’s constitutional right to information and the state policies of full disclosure and transparency in the public service.…”
“Every Filipino shall have access to information, official records, public records, and to documents and papers pertaining to official acts, transactions, and decisions…,” na may ilang kataliwasan na tutukuyin at itatala sa isang “inventory of exceptions” na regular na ia-update. Posibleng hindi nito saklawin ang mga detalye sa maseselan na pulong na ginagamit sa mga desisyon para sa mga polisiyang panlabas. Kabilang sa mga interesanteng record ang mga kontrata ng gobyerno na kinasasangutan ng milyun-milyong piso, gaya ng sa pagmamantini sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit.
Dapat ding bigyang-diin na isa lamang itong executive order at sinasaklaw lang ang kagawaran ng ehekutibo. Patuloy tayong naghihintay sa pagsasabatas ng freedom of information na ipatutupad sa buong gobyerno, kabilang ng mga sangay ng lehislatibo at hudikatura.
At ngayong handang-handa na ang bagong Kongreso para makipagtulungan sa administrasyong Duterte na nagsusulong ng pagbabago, kumpiyansa tayong sa wakas, ang dalawang mahahalagang panukalang ito—ang Anti-Dynasty at Freedom of Information—ay tuluyan nang mapagtitibay ng Kongreso at magiging bahagi ng bagong gobyerno na nagsusulong ng katapatan at pananagutan.