HALOS pareho ang bilang ng mga napapatay na sangkot sa ilegal na droga at ang mga namamatay dahil naman sa sakit na dengue. Sa loob lamang ng maikling panahon, umaabot na sa 240 ang napapaslang na pusher at user ng shabu, kabilang na ang ilang drug lords, samantalang 248 naman ang naitalang biktima ng nabanggit na sakit. Ang paghahambing sa naturang death statistics ay tiyak na naglalarawan ng magkakasalungat na damdamin ng sambayanan hinggil sa tunay na kahulugan ng kamatayan.

Hindi maililihim na ang walang patumanggang kampanya ng Philippine National Police (PNP) at ng iba pang alagad ng batas ay labis na ikinatutuwa ng taumbayan; daan-daan na ang napapatay at libu-libo nang sugapa sa droga ang sumusuko sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Marami ang lihim na nagdiriwang, lalo na ang mga nagiging biktima ng bangag sa naturang gamot na basta na lamang pumapatay at nanggagahasa. Sa kabila nito, lalo namang pinaiigting ng PNP ang paglipol sa mapanganib na elemento ng lipunan bilang pagtugon sa kumpas ng bagong administrasyon: sinasabing sila ang sumisira sa buhay ng mamamayang Pilipino.

Totoo, may mga kababayan din tayo na umaalma sa sinasabing walang pakundangang pagpaslang sa mga pinaghihinalaang sangkot sa bawal na gamot. Kailangan din naman umanong igalang ang karapatang pantao ng naturang mga biktima at bigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili, sapagkat mahalaga ang buhay.

Sa kabilang dako, kabaligtaran ang nadadama ng mga mahal sa buhay ng mga hindi pinaliligtas ng sakit na dengue na ngayon ay umaabot na sa 248; sila ay namatay at hindi pinatay; ginagawang lahat ang paraan upang lumawig ang kanilang buhay. Labis na ipinagdadalamhati ang kanilang pagpanaw. Hanggang sa mga oras na ito, iniulat ng Department of Health (DoH) na mahigit 50,000 ang dengue cases sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil dito, hindi dapat magpapaumat-umat ang DoH sa pagtugon sa pangangailangan ng dengue victims. Marapat ang kagyat na paglalaan ng sapat na bakuna laban sa naturang karamdaman. Totoong may kataasan ang presyo ng naturang vaccine, subalit hindi dapat manghinayang ang gobyerno sa gastos sa pagliligtas sa maraming buhay, lalo na ang mahihirap na dengue victims. Ang pagkakait sa naturang saklolo ay mistulang pagpapabaya na natitiyak kong hindi pahihintulutan ng bagong liderato. Idagdag na rin dito ang pagsasagawa ng iba pang hakbang na susugpo sa aedes aegypti, ang lamok na dahilan ng naturang sakit.

Kailangang iwasan ang dengue, lalo na ngayong tag-ulan. (Celo Lagmay)