Malinis na gobyerno ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bayan, kasabay ng paglalahad ng mga plano at panuntunan na inaasahang magbibigay ng malaking pagbabago sa bansa.
Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa joint session ng Kongreso sa Kamara, binigyang diin ng Pangulo ang katagang “this will be a clean government.”
Itinakda ng Malacañang Hotline 8888 para sa mga sumbong hinggil sa korapsyon. “If I hear even just a whisper in the government, hiwa-hiwalay na tayo,” ayon sa Pangulo.
Ipinag-utos din nito ang mas maikling panahon ng pagsasaproseso ng mga papeles sa gobyerno, at pagtigil na sa red tape. Mas maikling business registration process din ang nais na ipatupad ng Pangulo.
Kasabay nito ay ang ‘go signal’ sa mga panukalang humakot na ng malaking oposisyon sa mga nakaraang administrasyon.
Para sa pamilyang Pinoy
*Sinuportahan ng Pangulo ang reproductive health law, kung saan sa lalong madaling panahon ay binibigyan ng pagkakataon ang mga mag-asawa na piliin ang paraan para planuhin ang kanilang pamilya.
*Isinusulong ng Pangulo ang mas maliit na buwis para sa individual at corporate income tax.
*Ipinangako ng Pangulo ang pagkakaroon ng trabaho.
Amiyenda pa
*Drivers’ license, gagawing 3-5 taon ang validity
*Passport, gagawing 10-taon ang validity
*Free WiFi sa piling public places
*LRT operating hours pahahabain
Bukod sa mga nabanggit, kabilang sa mga planong may direktang epekto sa taumbayan ay ang pagsasaayos sa railway system, pagbabago sa airport, at pagsasaayos ng trapiko.
Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang kampanya nito sa droga, kung saan binigyang diin nito na “no let up” ang gagawing kampanya ng kanyang pamahalaan laban dito, hanggang hindi naitutumba ang kahuli-hulihang sangkot sa ilegal na droga.
“Don’t engage in illegal acts,” ayon sa Pangulo, “kung ayaw n’yong mamatay, kung ayaw niyong masaktan.”
*Nanawagan din ang Pangulo sa pagkakaroon ng federal government, ngunit binigyang diin nito na kailangang may presidente.
*Hinggil sa kapayapaan, nagdeklara ng unilateral ceasefire ang Pangulo sa CCP-NPA-NDF. Hinimok din nito ang mga kapatid na Muslim na makiisa na sa pamahalaan at iwaksi na ang paghawak ng baril.
“If we can’t as yet love one another, then in God’s name, let us not hate each other too,” ayon sa Pangulo.
(BERT DE GUZMAN at AIRAMAE GUERRERO)