Isang 43-anyos na biyudang walang trabaho ang dinakip matapos siyang mang-umit ng ilang grocery items sa isang supermarket sa Pasay City, nitong Linggo ng hapon.

Inaresto si Marites Del Rosario, ng Barangay San Isidro, Makati City, ni Rowena Ballad, 39, security guard sa isang supermarket sa Libertad Street sa Pasay.

Batay sa paunang imbestigasyon, tinugaygayan ni Ballad si Del Rosario matapos siyang makahalata sa kahina-hinala umanong kilos nito.

Ayon sa report, palabas na sa establisimyento si Del Rosario bitbit ang isang plastic bag ng mga pinamiling grocery items nang lapitan siya ni Ballad at hiniling na masilip ang kanyang bag.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Nakita ni Ballad ang ilang grocery items sa loob ng bag ni Del Rosario at nang hilingin na ipakita ang resibo nito ay walang mailabas ang suspek kaya inaresto siya ng lady guard.

Sinabi naman ni Del Rosario sa pulisya na kakaunti lang ang dala niyang pera kaya napilitan siyang umitin na lang ang groceries para sa kanyang pamilya dahil, aniya, mag-isa lang niyang binubuhay ang mga ito.

Nabawi mula kay Del Rosario ang grocery items na may kabuuang halaga na P387.22, at nakapiit na siya ngayon sa Pasay City Jail makaraang kasuhan ng theft. (Clarise Cabrera)