Natikman ng Batang Gilas ang ikalawang kabiguan sa FIBA Asia Under 18 Championship nang madomina ng Chinese team, 95-66, nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Tehran, Iran.
Naghabol ang Philippine Youth team sa 29-14 sa first quarter at nabigong makabangon sa kabuuan ng laro.
Laglag ang Pinoy sa 1-2 karta matapos matalo sa Chinese-Taipei sa opening game.
Nanguna si Jolo Mendoza sa RP Team sa naiskor na 19 puntos.
Nangunguna ang China sa Group A na may 3-0 record, katabla ang Chinese Taipei, habang sosyo sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto ang Philippines, Iraq at India. Tanging ang Thailand ang hindi pa nananalo (0-3).
Kakailanganin ng Pinoy na mawalis ang nalalabing laro kontra India at Thailand para makausad sa knockout phase ng torneo na may nakalaang tatlong puwesto para sa 2017 FIBA U19 World Championship sa Egypt.
Iskor:
China (95) — Du 17, Wu 14, Taruike 13, Liu 10, Hu 9, Man 8, Y. Wang 6, Z. Wang 6, Fan 6, Tang 4, Zhang 2, Li 0.
Batang Gilas (66) — Mendoza 19, Gallego 12, Mamuyac 6, Carino 6, Madrigal 5, Yu 5, Sinclair 4, Tibayan 3, Flores 2, Bahio 2, Lee 0.
Quarterscores:
29-14; 49-33; 70-46; 95-66.