Nanghinayang si Presidential daughter at Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na hindi siya nakadalo sa unang State of the Nation Address (SONA) ng amang si President Rodrigo Duterte, at sa halip ay kinatawan siya ng asawang si Atty. Manases Carpio.
Ilang oras bago ang pagbibigay ng SONA ng Pangulo kahapon, inihayag ni Jeffrey Tupas, Chief Information Officer ni Mayor Sara, na hindi makadadalo ang alkalde sa okasyon dahil dumiretso ito sa ospital pagdating ng Maynila.
“She will not able to attend the SONA it’s something that the mayor deeply regrets as she wants to be with the President during this very important occasion and proud moment for the Filipinos and the Philippines,” saad ni Tupas sa press statement na inilabas sa media kahapon ng umaga.
Kinumpirma ni Tupas na maaga pa ay umalis na ng Davao si Inday Sara kasama ang asawa para dumalo sa SONA at maging kinatawan ng kanyang inang si Elizabeth Zimmerman, at ang mga kapatid na sina Vice Mayor Paolo at Sebastian.
Ayon kay Tupas, pagdating sa Manila ay dumiretso si Inday Sara sa St. Luke’s Hospital para magpa-check-up at pinayuhan ng kanyang doktor na lubusang magpahinga ng dalawang araw.
“But there is nothing to worry. The mayor is doing well now,” paglilinaw ni Tupas, na hindi na idinetalye ang medical circumstances ng alkalde. (PNA)