Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na iligtas ang tatlong pulis na dinukot ng hinihinalang New People’s Army (NPA), kasama ang isang sibilyan, makaraang dumalo ang mga ito sa isang pistahan sa Malimono, Surigao del Norte.

Ayon kay PNP chief, Director Gen. Ronald dela Rosa, handa ang pulisya kahit pa maglunsad ito ng sagupaan sa mga rebelde na puwersahang tumangay kina SPO3 Santiago Lamanilao, PO3 Jayroll Bagayas, PO2 Caleb Sinaca, at sa non-uniformed personnel na si Rodrigo Angob.

“Hindi ko puwedeng pabayaan ang mga biktima. Kukunin ko sila, sa kahit paanong paraan,” sabi ni Dela Rosa.

Isa sa mga pinaplano sa ngayon ay ang pakikipagnegosasyon sa NPA, at umaasa ang PNP chief na magtatagumpay ito dahil sisimulan na rin naman ng gobyerno ang usapang pangkapayapaan sa mga rebelde.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Bukod dito, kapansin-pansin din ang pagiging bukas ng administrasyong Duterte sa mga komunista at iba pang militanteng grupo na inaakusahan ng pagkakaroon ng direktang ugnayan sa NPA.

Gayunman, nagbanta si Dela Rosa na hindi siya magdadalawang-isip na gumawa ng iba pang hakbangin matiyak lamang niya ang paglaya ng tatlong pulis at isang sibilyang empleyado ng lokal na pulisya.

“We will talk, we will negotiate but if they would not listen, then we would go to war with them,” sabi ni Dela Rosa. “We cannot allow that we are at the mercy of the enemies of the State.”

Sa ngayon inaalam pa ni Dela Rosa ang lagay ng mga biktima.

Ayon kay SPO4 Noli Magalona, ng Malimono Municipal Police, nangyari ang pagdukot dakong 2:15 ng hapon nitong Linggo sa Barangay Cagtinae.

Batay sa report, dinukot ang apat ng nasa 10 armadong lalaki na nakasuot ng uniporme ng militar ngunit pinaniniwalaang mga miyembro ng NPA.

Napaulat na binuo na rin ang Crisis Management Committee (CMC), na pinangungunahan ni Mayor Teodoro Sinaca, upang tiyakin ang pagpapalaya sa apat. (FER TABOY at AARON RECUENCO)