Nina Genalyn Kabiling at Leslie Ann G. Aquino

Pagmamahal sa bayan. Ito ang tema ng unang State of the Nation Address (SONA) ngayon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Very powerful” speech ang inaasahang bibitawan ng Pangulo sa joint session ng Kongreso, ayon kay Presidential Communications Operations Martin Andanar.

“The address of the President, personally written by the President, will be a very powerful speech that will awaken the patriot in every Filipino,” ani Andanar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa nasabing speech, ilalatag ng Pangulo ang mga plano nito para sa bansa, kabilang na ang mga panuntunan sa peace and order at mga lehislasyon na isasaprayoridad ng kasalukuyang pamahalaan.

Sisirain ng kauna-unahang SONA ni Pangulong Duterte ang tradisyon sa SONA, kung saan aalisin na ang magarbo at bonggang gown para sa kababaihan, sa halip ay business attire na lamang.

Aalisin na rin ang mga salitang ‘His Excellency’ at ‘Honorable’.

Layunin nitong magpokus na lang ang taumbayan sa talumpati ng Pangulo.

Kasimplehan hinangaan

“It’s very praiseworthy for our President that he reminds our elected officials that SONA is plans and programs of services for people, and not their fashion statements,” ayon naman kay Balanga Bishop Ruperto Santos ng simbahang Katoliko.

Sa SONA ngayon, business attire na ang ipinasusuot sa kababaihan, ngunit pwede pa rin ang paggamit ng Filipiniana.

Sinabi ng pari na mahusay ang pagbabago sa SONA tradition ngayon sapagkat nagpapakita ito na sensitibo si Pangulong Duterte sa kapakanan ng mahihirap.  

8,000 sa peace camp

Umaabot naman sa walong libong katao mula sa Mindanao, Bicol at Southern Tagalog ang nakiisa sa mga taga-National Capital Region (NCR) sa itinayong peace camp sa Quezon Memorial Circle, kung saan idinaos ang iba’t ibang aktibidad.

Sa apat na araw na Lakbayan 2016, tinapos ito ng isang Peace Concert at Solidarity Night. Naging tampok sa huling araw ang pag-aayos ng Peace Sign Human Formation, pagpapalipad ng mga saranggola, “Bike for Peace” at “Zumba for Peace”.

Ayon kay Diego Torres, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan-ST, “ang mga aktibidad na nakahanda ngayon ay para sa pagpapalakas ng konsolidasyon ng iba’t ibang delegasyon na narito ngayon.”

16,000 pulis

Aabot sa 16,000 pulis ang itinalaga ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para magbigay ng seguridad sa SONA ng Pangulo, kung saan 11,000 dito ay itinalaga sa paligid ng Batasan Complex.