ILALAHAD ni Pangulong Duterte ang kanyang unang State of the Nation Address (SONA) ngayon, ang ika-25 araw ng kanyang administrasyon, sa harap ng pinag-isang sesyon ng Kongreso sa Batasan. Gaya ng kanyang Inaugural Address sa Malacañang noong Hunyo 30, ang SONA ay magiging simple, diretso, at mapuwersa, gaya ng mismong maglalahad nito. Hindi rin ito mahaba, marahil dahil nagsisimula pa lang ang kanyang pamumuno at wala pa siyang masyadong maiuulat. Ngunit dapat na nakadetalye rito ang mga plano ng bagong Pangulo para sa bayan sa susunod na anim na buwan bago matapos ang taong ito—at sa susunod na anim na taon bago siya bumaba sa puwesto.
Sa unang tatlong linggo ng administrasyong Duterte ay namayagpag ang digmaan laban sa droga—ang naging sentro ng kanyang kampanya na naging buod ng pangunahing ideya ng pagbabago. Iniulat nitong Biyernes ng Philippine National Police na batay sa datos hanggang 6:00 ng umaga nitong Hulyo 22 ay 240 na ang napapatay, 3,228 ang naaresto, at 120,200 ang sumuko, habang 63,973 pagsalakay at iba pang operasyon ng pulisya ang ikinasa. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga pinaniniwalaang pinaslang ng mga grupong vigilante.
Ang kampanya kontra droga ang may pinakamalaking epekto sa napakaraming pagbabagong nangyayari ngayon sa bansa. Nakuntento na tayong lahat tungkol sa kalagayan ng ating bansa, hindi batid na sa maraming komunidad sa iba’t ibang panig ng kapuluan, libu-libong buhay ang nawawasak ng droga. May mga akusasyon din na nagkakaroon na ng mga pag-abuso sa kampanya laban sa droga. Dapat na aksiyunan din ito, ngunit sa kabuuan ay tinanggap ng buong bansa ang kampanya na naging katangi-tangi bilang unang pinakamalaking pagbabago na isinasakatuparan ng bagong administrasyon.
Inaasahang ilalahad sa SONA ng Pangulo ang mga susunod na pagbabagong masasaksihan ng bayan. Nagbigay na ang ilang miyembro ng Gabinete ng pahaging sa kung ano ang maaari nating asahan sa mga susunod na buwan, gaya ng mga hakbangin ng gobyerno at ng sistema ng hustisya, isang programang pang-imprastruktura upang pasiglahin pa ang pagsulong ng ekonomiya, pagresolba sa trapiko at sa iba pang mga problema sa transportasyon na nakapipigil sa pag-unlad, isang matinding solusyon para mapasigla pa ang produksiyon sa agrikultura, paglikha ng maraming trabaho bilang sentro ng pangkalahatang pagsisikap laban sa malawakang kahirapan ng mamamayan. Ito at ang iba pang mga plano at programa ang magiging tampok sa SONA ngayong araw.
Inaasahan din natin ang mga pagbabago sa pagtitipun-tipon ngayon ng mga kasapi ng Kongreso at mga panauhin upang pakinggan ang Pangulo at kung paano tatanggapin ng mamamayan ang SONA. Hiniling ng Presidente nag awing maikli at simple ang okasyon sa Batasan, wala na rin ang pulang carpet na nakaugalian nang rampahan ng kababaihan suot ang naggagandahan nilang damit na naging isa sa mga tampok sa mga nakalipas na SONA. Wala rin tayong inaasahang mga kilos-protesta, gaya ng dati na sinusunog ng mga galit na galit at dismayadong raliyista ang effigy ng Presidente.
Ngunit ang atensiyon ng bansa—at ng mundo—ay nakatuon sa mismong iuulat ng Pangulo. Sa mga susunod na buwan at taon, babalikan natin ang ulat na ito, partikular ang mga nailahad na plano at pangako. At huhusgahan ang Presidente kung paano niya naisakatuparan ang kanyang mga layunin na isa-isa niyang ilalahad sa kanyang unang State of the Nation Address.