Nakabawi ang 22-anyos na si Jeson Umbal sa kanyang pagkatalo kay dating world rated Mark Anthony Geraldo nang mapatigil niya sa ikalimang round para matamo ang bakanteng WBC ABC Continental super bantamweight title kamakalawa ng gabi, sa Far East Square sa Singapore.

Nakipagsabayan si Umbal sa unang apat na round sa mas beteranong si Geraldo na tumalo sa kanya sa puntos noong nakaraang Pebrero 13, sa Buluan, Maguindanao.

Itinigil ni Singaporean referee Nus Ririhena ang laban nang pumutok ang kanang kilay ni Geraldo na tinamaan ng matinding kaliwa ni Umbal.

Inaasahang papasok sa world ranking si Umbal dahil bago ang laban kay Geraldo ay dumayo siya sa Tashkent, Uzbekistan noong Mayo 17, 2016 at tinalo sa ikaanim na round via TKO si Mishiko Shubitidze, ang dating No. 2 bantamweight boxer ng Georgia.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matapos matalo kay Geraldo, impresibong tinalo ni Umbal si Mexican Luis Bedolla Orozco noong nakaraang Abril 16, sa One World Hotel, Selangor, Malaysia.

Gumanda ang kartada ni Umbal sa 11-5-0, tampok ang walo na TKO.

Bagsak naman si Geraldo sa 33-7-3 marka.

Sa undercard ng laban, nabigo sa puntos si dating RP super lightweight champion Adonis Cabalaquinto kontra sa walang talong si Uzbekistan titlist Qudratillo Abduqaxorov para sa bakanteng WBC ABC Silver welterweight crown. - Gilbert Espeña