Pinakilos na ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Caesar R. Dulay ang regional directors at district officers upang isa-isang imbestigahan ang mga mandaraya sa pagbabayad ng buwis na ininguso ng mga informer.
Sa kanyang kautusan, sinabi ng BIR chief na umpisahan na ang pag-iimbestiga sa mga itinuturong mandaraya, kasabay ng paalala na obserbahan pa rin “no contact with taxpayers” policy ng kagawaran.
“No mission orders shall be issued on the subject denunciations/complaints during the period of suspension of audit,” ayon kay Dulay.
Nauna nang nag-isyu ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 70-2016 si Dulay, kung saan pansamantalang sinususpinde ang pag-audit sa returns na isinasampa ng taxpayers.
Kasunod nito ay isa pang memo na kumaklaro sa unang memo ang ipinalabas, kung saan inaatasan ang district offices na idulog sa regional investigation division ang lahat ng reklamong kanilang matatanggap. - Jun Ramirez