Hindi pa lubusang makaporma ang bagong Board ng Philippine Sports Commission (PSC) dahil hindi pa lumalabas ang opisyal na appointment paper ng apat na bagong commissioner.

Ayon kay PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez, sa kabila ng pagkaantala, ginagawa niya ang makakaya para maisulong ang trabaho sa ahensiya at maibigay ang karampatang suporta sa mga atleta.

“Medyo limitado pa ang kilos namin, kaya humihinge kami ng pang-unawa sa ating mga atleta,“ sambit ni Ramirez.

Aniya, inaasahang mailalabas ng Malacañang ang appointment nina commissioner Mon Fernandez, Arnold Agustin, Charles Maxey at Celia Kiram anumang oras mula ngayon.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Marami pang ginagawa sa Malacanang. But the Presidential Management Staff told us na maghintay lang basta tuloy lang ang trabaho,” aniya.

Personal na nakausap ng Pangulong Duterte ang mga miyembro ng Philippine Team na sasabak sa Rio Olympics sa ginanap na send-off sa Malacañang.

Samantala, naaantala ang ilang papel sa ahensiya, kabilang ang mga request ng sports association at allowances ng mga atleta gayundin yaong kailangan ang lagda ng buong Board.

Isang asosasyon ang napuwersang ikansela ang kanilang byahe sa international competition dahil sa pagkabimbin ng kanilang request. - Angie Oredo