CYBERJAYA, Malaysia – Matikas na nakihamok ng Philippine team, ngunit sadyang kulang ang lakas ng Pinoy laban sa Qatar sa championship match ng FIBA 3x3 U18 Asian Championships nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Gem-In shopping mall dito.

Tunay na moog ang defending champion para sa Pinoy para maitarak ang 21-9 panalo at tapusin ang liga na walang gurlis.

Nakapanghihinayang ang kabiguan ng Pinoy na nakalusot sa gold medal round nang magapi ang host Malaysia sa come-from-behind, 21-20 , panalo sa semifinals.

Naisalpak ni John Clemente ang game-winning shot laban sa host.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Umusad naman ang Qataris sa finals nang durugin ang Japan, 21-7.

Ginapi rin ng Qatar ang Philippines, 21-15, sa elimination.

Sa kabila ng kabiguan sa torneo na nadomina ng Pinoy, sa pangunguna ni Kobe Paras, may tatlong taon na ang nakalilipas, nakasungkit ang koponan ng puwesto para sa FIBA 3x3 U18 World Championship sa susunod na taon.

Nakuha rin ni Clemente ang pampalubag-loob na Team of the Tournament awards kasama sina Qatar’s Alen Hadzibegovic at Malaysia’s Yee Tong Heng, na napiling MVP.