Hindi pa rin maputol ang paalala at babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kawani ng gobyerno, kung saan binigyang diin nito na iwaksi na ang korapsyon at patunayang akma sila sa pagiging public servant.
“I am watching you.” Ito ang paalala ng Pangulo nang lagdaan nito ang Executive Order na nagbibigay ng kapangyarihan sa publiko na busisiin ang lahat ng transaksyon ng bawat ahensya ng gobyerno.
Una nang tinukoy ng Pangulo ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) at Land Transportation Office (LTO) bilang pinaka-corrupt na mga ahensya ng pamahalaan.
Inatasan nito sina Customs chief Nicanor Faeldon at Internal Revenue chief Cesar Dulay na linisin ang kanilang ahensya sa korapsyon.
Inuga na rin ng Pangulo ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kung saan binalasa na ang senior officers at mga tauhan nito at ipinatupad ang reorganisasyon sa New Bilibid Prison (NBP).
Hinggil sa “tanim-bala” scare, binuwag na rin ang Office for Transportation Security sa airport.
Kaugnay nito, hinimok ng Malacañang ang publiko na isumbong ang corrupt officials. Sa pamamagitan ng hotline 8888 na bubuksan sa Agosto, pwede nang i-tip ang mga kurakot sa gobyerno. - Elena Aben