KABUL (AFP) – Umatake ang Islamic State jihadists noong Sabado sa Shiite Hazaras sa Kabul, na ikinamatay 80 katao at ikinasugat ng 231 iba pa, sa pinakamadugong pag-atake sa kabisera ng Afghanistan simula 2001.
Layunin ng kambal na pagpasabog, habang nagpoprotesta ang mga tao sa isang power line, na galitin ang mga sekta sa bansa na maayos ang relasyon ng Shia at Sunni.
Nagkalat ang mga sunog at pira-pirasong katawan sa lugar ng pag-atake. Nahirapan sa pagresponde ang mga ambulansiya dahil hinarangan ng mga awtoridad ng shipping containers ang mga pangunahing daan upang makontrol ang paggalaw ng mga nagpoprotesta.
“As a result of the attack 80 people were martyred and 231 others were wounded. The attack was carried out by three suicide bombers… The third attacker was gunned down by security forces,” sabi ng interior ministry.
Agad na inako ng Islamic State ang mga pambobomba sa pahayag na inilabas sa kasangga nitong Amaq news agency. Ayon sa grupo ito ay pag-atake laban sa mga Shiite.
Sinabi ng National Directorate of Security ng Afghanistan na si Abu Ali, ang IS commander sa magulong Achin district ng Nangarhar, ang nagplano ng pag-atake.
Kinondena ng United Nations ang mga pambobomba bilang “war crime”.
Sumumpa naman si President Ashraf Ghani ng paghihiganti laban sa mga gumawa ng pag-atake at nagdeklara ng national day of mourning nitong Linggo.