Ni Remy Umerez
IDARAOS ang Grand Kapamilya Day sa Hulyo 31 sa San Andres Sports Complex, Manila bilang pagdiriwang sa ika-30 taon ng paghahatid ng mga sariwang balita ng DZMM.
Sa kanyang Dr. Love Radio show ay sinabi ni Bro. Jun Banaag, O.P. na very proud siyang maging bahagi ng selebrasyon kalakip ang pangakong patuloy na mag-aambag ng makabuluhang kaalaman hindi lamang pang-spiritual kundi maging sa personal na buhay.
Ang selebrasyon ay magsisimula ng ala siyete ng umaga hanggang ala sais ng hapon.
Makakahalubilo ng mga tagapakinig ang matitinik at tested anchors ng DZMM na kinabibilangan nina Kabayan Noli de Castro, Ted Failon, Julius Babao, Henry Omaga-Diaz, Alvin Elchico, Doris Bigornia, Anthony Taberna, Vic de Lima, Karen Davila, Atom Araullo at iba pa. Mamamahagi rin ng rosaryo doon sa mga nangangailangan si Bro. Jun.
Magkakaroon ng free medical mission, lectures at ligtas tips kung sumasapit ang mga kalamidad tulad ng lindol, bagyo o sunog. Maraming produkto from various sponsors na ipamimigay at magkakaroon din ng pa-raffle na tiyak lalong magpapasigla sa pagtitipon.
Samantala, isang linggong paggunita o trivia ang sasariwain sa mga di-malilimutang pangyayari na naganap sa loob ng tatlong dekadang pamamayagpag ng DZMM Ito ay ihahatid ng mga pinagkakatiwalaang anchors ng iba’t ibang palatuntunan.
Ang DZMM ay ang the most-awarded radio station na patuloy na umaani ng mga parangal at naririnig ng ating mga kababayan maging sa ibang bansa.