TKO?  Napayuko si Viktor Postol nang tamaan ng kombinasyon ni Terrence Crawford sa kanilang unification bout nitong Sabado (Linggo sa Manila), sa Las Vegas. Nagwagi si Crawford via unanimous decision
TKO? Napayuko si Viktor Postol nang tamaan ng kombinasyon ni Terrence Crawford sa kanilang unification bout nitong Sabado (Linggo sa Manila), sa Las Vegas. Nagwagi si Crawford via unanimous decision
LAS VEGAS (AP) – Pinatunayan ni Terence Crawford na mabigat ang kanyang kamao. Nasa pagpapasiya ni eight-division world champion Manny Pacquiao kung itutuloy niya ang planong subukan ang lakas ng kampeon.

Pinabagsak ni Crawford si Viktor Postol nang dalawang ulit sa kaagahan ng round tungo sa 12-round unanimous decision na panalo para mapanatili ang World Boxing Organization (WBO) junior welterweight title at agawin ang World Boxing Council (WBC) championship ng Ukranian nitong Sabado (Linggo sa Manila), sa MGM Grand.

Napanatili ni Crawford ang marka sa malinis na 29-0, tampok ang 20 KOs, habang natikman ni Postol (28-1, 12 KO) ang kauna-unahang kabiguan sa matikas na boxing career.

Nakalinya kay Crawford si Pacman.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ipinahayag ni Bob Arum, promoter ni Pacquiao sa Top Rank, na ikakasa niya ang pagbabalik-aksiyon ng bagong-halal na Senador, sa magwawagi sa unification bout nina Crawford at Postol.

Nagkataon na si Postol ay alaga rin at sinanay ni Hall-of-Famer Freddie Roach – itinuturing na ikalawang ama ng tinaguriang People’s Champion.

“A lot of it depends on if Manny wants to go down to 140,” pahayag ni Arum.

“If he decides to go to 140 and Crawford wins, that could be the fight, but if he says no, I’m not going to be able to get down to 140 comfortably,’ then he’ll fight against Vargas,” pahayag ni Arum.

Iginiit naman ni Crawford na handa siya sinoman ang makaharap niya sa lona, maging si Pacman pa ito.

“I’ll let my coaches handle that. I am a fighter and I’ll fight anybody,” aniya.

Naisaayos na ni Arum ang venue ng pagbabalik-aksiyon ni Pacman sa Thomas and Mack Stadium sa loob ng University of Las Vegas Nevada.

Matapos ang halos pantay na sagupaan sa unang apat na round, umatake si Crawford sa ikalimang round para kunin ang momentum matapos pabagsakin si Postol sa unang limang segundo at muling pinaluhod ang karibal bago matapos ang round.

Mula rito, nakontrol ni Crawford ang tempo ng laban at nagawang magpatama sa kanyang papalit-palit na istilo mula sa pagiging southpaw hanggang conventional boxing stance.

Nabawasan ng puntos si Postol sa 11th round nang tawagan ni referee Tony Weeks na illegal ang suntok niya sa likod ng ulo ni Crawford.

Sa huli, nakuha lahat ni Crawford ang ayuda ng mga hurado sa iskor na 118-107, 118-107 at 117-108.

“I just stuck to what I knew (tonight),” sambit ni Crawford.

“I watched him and they said he had the best jab in the game. In the division. I proved (that) differently tonight.”

“Everyone said that I kept running from him. We asked for the fight. We always wanted the fight.”