g

ISA sa mga kayamanan ng Pilipinas sa larangan ng turismo ang Batanes, ang maituturing na paraiso, dahil dito lamang makikita ang mga kakaibang lugar, kultura, kalikasan, simpleng pamumuhay na walang polusyon, at halos walang krimen.

 Ang Batanes ay isang lalawigan sa hilagang Luzon na kabilang sa Rehiyon 2 at pinakahilaga sa buong Luzon. Binubuo ito ng mga pulo ng Batan, Sabtang, Itbayat at ipa pang maliliit na isla.

 Mas malapit pa ang Batanes sa Taiwan kumpara sa Maynila sa layong 680 kilometro samantalang 376 na kilometro lamang ng layo ng Basco, kabisera ng naturang probinsiya sa nasabing bansa.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

 Ivatan ang tawag sa kultura ng mga taga-Batanes na itinuturing na pinakamatanda sa Pilipinas. Sa kasaysayan, ang mga ninuno ng mga Ivatan ay nanggaling pa sa timog ng Taiwan at ang Batanes ay ginawang tulay para makarating sa iba pang mga bansa na gaya ng Indonesia.

 Ang kanilang wikang Ivatan ay namumukod-tangi dahil sa kakaibang bokabularyo at pagbigkas na hindi katulad ng isang tipikal na wika sa Pilipinas, bagamat may pagkakahawig naman ang Ivatan sa ibang mga wika sa hilagang Luzon, tulad ng Ilokano at Ibanag.

 Kasama ang Basco, ang maliit na lalawigan ng Batanes ay binubuo ng anim na bayan, ang Itbayat, Ivana, Mahatao, Sabtang at Uyugan. Ang mga isla ay napapalibutan ng malawak na katubigan ng Bashi Channel at Balintang Channel, ang tagpuan ng karagatang Pasipiko at Dagat Tsina.

 Ang lugar na ito ang pangunahing daanang-pantubig ng Pilipinas, Japan, China, Hong Kong at Taiwan. Mayaman ito sa yamag-dagat, kabilang na ang pinakapambihirang coral sa mundo. Bagamat napakalayo at mahal ang transportation patungo sa Batanes, sulit na sulit naman ang pagtungo rito sa kahanga-hanga at kaakit-akit na mga tanawin sa lalawigan.

 Ang mga tanawin sa kabundukan, dagat at kapaligiran ay tiyak na papawi sa kapaguran sa masalimuot na pamumuhay sa siyudad. Kakaunti ang tao, mabibilang ang de-makinang sasakyan, mga bahay na gawa sa bato, at magiliw ang mga Ivatan sa mga bisita.

 Ang mainam na panahon ng pagpunta rito ay tuwing kalagitnaan ng Marso hanggang Hunyo at kung “Indian Summer” na kadalasang nag-uumpisa ng Setyembre. Kung minsan, pinakamaagang nag-uumpisa ang magandang panahon pagpasok ng Pebrero na tumatagal hanggang Hulyo.

 Ang flora at fauna sa Batanes ay sadyang katangi-tangi at doon lamang matatagpuan. Maraming species ng mga hayop at halaman na doon din lamang makikita. Sadya ring kakaiba ang mga tanawin doon, tulad ng Mt. Riposed, Mt. Iraya, Mt. Matarem, Rapang du Kavuyasan, Mt. Karobooban at ang mga dalampasigan ng Duvek Bay, Vuhos Marine Reserve at Tukon Hedgerows.

 Kahanga-hanga ang rin mga tradisyunal na bahay sa Savidug, Chavayan, Nakanmuan, Sumnanga, Diura, at Raele. Mga arkitekturang may impluwensiyang Kastila: ang simbahan at plaza ng San Carlos Borromeo, Mahatao, mga Ijangs (fortress o kuta sa mga bundok), at mga tirahan ng mga sinaunang Ivatan sa Rakuaydi, Nahili du Vutox, at Mt. Karobooban.

 Ang mala-paraisong Batanes ay isinusulong ngayon ni Rep. Henedina Abad bilang community-based cultural heritage at eco-tourism zone sa ilalim ng iniakdang batas na “Batanes Responsible Tourism Act”.

 Aniya, napakahalagang pag-ingatan ang tanging yaman ng Batanes at maprotektahan ang pambihirang pamana at kultura nito. Layunin din ng naturang batas na na ma-develop ang turismo, produkto, at programa na makakapag-bigay ng trabaho at kabuhayan sa mga residente. (RIZALDY COMANDA)

[gallery ids="183780,183781,183782,183787,183786,183783,183784,183788,183789,183790,183791,183792"]