Kipkip ang hangaring makagawa ng kasaysayan para sa bansa, isinantabi ng mga miyembro ng Philippine Team ang samu’t saring isyu, kabilang ang Zika virus, terrorismo at kriminalidad para isulong ang kampanya ng Pinoy sa XXX1 Summer Olympics sa Rio, Brazil.

Sa pangunguna ni two-time UAAP Athlete of the Year at flag bearer Ian Lariba ng table tennis, tumulak kagabi ang koponan sakay ng Emirates Airlines patungo sa Rio. Nakatakda ang Olympics sa Agosto 5-21.

“Mainam na maaga tayong makapunta sa Rio para makapaghanda ng husto ang ating mga atleta at makasanayan ang klima sa Brazil,” sambit ni Philippine delegation Chef de Mission Jose Romasanta.

Kasama sa koponan sina weightlifter Hidilyn Diaz at Nestor Colonia, long jumper Marestella Torres, swimmer Jessie King Lacuna at taekwondo jin Kirstie Elaine Alora at opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC) Col. Jeff Tamayo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang anim pang atleta na kakatawan sa Pilipinas ay sina boxer Rogen Ladon at Charly Suarez, track and field Eric Cray na magmumula sa United States, swimmer Jasmine Alkhaldi galing sa Hawaii, marathoner Mary Joy Tabal sa Japan at golfer Miguel Tabuena.

Matatandaan na si Lariba ang kauna-unahang table tennis player mula sa Pilipinas na maglalaro sa Olympics.

Asam ng kabuuang 12 atleta na tuluyang mapawi ang matagal nang pagkauhaw sa tagumpay sa quadrennial Games. Huling napagwagian ng Pinoy ang silver medal mula kay boxer Onyok Velasco noong 1996 Atlanta Games. (Angie Oredo)