NAKIISA ang Pilipinas sa 170 iba pang bansa na lumagda sa Paris Climate Agreement sa United Nations headquarters sa New York City noong Abril 22. Nangako ang mga bansa na magpapatupad ng kani-kanilang programa upang bawasan ang greenhouse gas emissions, sa layuning malimitahan ang pag-iinit ng mundo sa mas mababa sa 2 degrees Celsius nang higit sa pre-industrial levels.
Kinilala ito ni UN Secretary General Ban Ki-moon bilang “rare moment in history” habang nag-aalok ang mga bansa ng mga hakbangin, sa kani-kanilang paraan, upang makatulong na matamo ang pandaigdigang layunin. Kabilang sa mga bansang ito ang dalawang pangunahing nagdudulot ng polusyon sa mundo—ang United States at China—na inihayag na nagkaroon sila ng sariling kasunduan upang bawasan ang emissions sa kani-kanyang bansa.
Noong nakaraang linggo, hindi inaasahan ang inihayag ni Pangulong Duterte na hindi niya kikilalanin ang kasunduan sa Paris dahil, aniya, mapipigilan nito ang pagsulong ng industriya ng bansa. Itinuturing niya ang kasunduan bilang pag-oobliga ng ilang mayayamang bansa na natatakot sa kumpetisyon mula sa ibang bansa. Totoong ang pag-unlad ng malalaking industriya ng mayayamang bansa ay pinasigla ng enerhiya mula sa uling, petrolyo, at iba pang fossil fuels, ang pangunahing pinagmumulan ng pandaigdigang polusyon. Ang Amerika at China ang bumubuo ng 38 porsiyento ng kabuuang emission sa mundo sa kasalukuyan.
Gayunman, dapat na maunawaan ng Pangulo na ang Paris agreement na nilagdaan ng Pilipinas sa UN sa New York ay isang pagsasama-sama para sa pinag-isang layunin ng mga bansa, hindi listahan ng mga kinakailangan na dapat sundin. Ang bawat bansa ay may sariling programa na nakabatay sa kapasidad nito sa pagpapatupad.
Ang Pilipinas ay may ilang coal plant sa iba’t ibang lalawigan bilang bahagi ng pangmatagalan nitong plano sa kaunlaran. Hindi natin ipatitigil ang operasyon ng mga plantang ito dahil kailangan natin ang mga ito para mapasulong ang ekonomiya. Hangad natin ang magpatayo pa ng mas maraming planta sa hinaharap na pagaganahin ng sikat ng araw, ng hangin, at ng iba pang renewable na pagkukunan ng enerhiya.
Dahil dito, hinimok ni Senador Leila de Lima si Pangulong Duterte na pag-isipang muli ang posisyon nito na huwag tumupad sa paglagda ng bansa sa Paris agreement. Maaari pa rin nating mapaunlad ang ating ekonomiya nang hindi isinusuko ang ating determinasyong labanan ang climate change, aniya. Idinagdag naman ni Sen. Joel Villanueva na ang pag-unlad ng bansa at ang pagbibigay ng proteksiyon sa kalikasan ay hindi parehong eksklusibo. Maaari nating matamo ang dalawang ito; puwede nating isulong ang pagsulong sa paraang makakakalikasan.
Ang Paris agreement ay dapat na naratipikahan na ng ating Senado, ngunit sinabi ni Senate President Drilon na posibleng hindi ito isumite ni Pangulong Duterte sa Senado para maratipikahan. Maaari nating ipagpaliban sa ngayon ang pormal na pagratipika sa nasabing kasunduan. Ngunit mahalagang maunawaan natin ang kahalagahan ng pinag-isang pagsisikap ng mga bansa sa mundo, partikular na ang mga nangunguna sa pagdudulot ng polusyon, upang maituwid ng mga ito ang mga naunang iresponsableng hakbangin.
Ipagpapatuloy natin ang sarili nating development program sa bansa, kabilang ang pagpapatayo sa mga naaprubahan nang coal plant. Ngunit dapat din na lagi tayong nakaantabay sa sistematikong paghahanap ng mga bagong pagkukunan ng renewable energy bilang bahagi ng pambansang polisiya.