MGA Kapanalig, bukas ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sinabing maraming binaling tradisyon ang kanyang talumpati, tugma sa kanyang motto noong kampanya na “change is coming”. At dahil ang kanyang pamumuno ang inaasam-asam na pagbabago ng mga bumoto sa kanya, marahil, “change is here” na nga.
Narito na nga ang pagbabago.
Ngunit may isang “change” na nangyayari na bago pa man nailuklok si Pangulong Duterte. Ito ay ang “climate change,” ang pagbabagong nararanasan ng buong daigdig sa nakalipas na ilang dekada.
Ang climate change ay ang malawakang pagbabago ng klima sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ang epekto nito ay nadarama natin sa tinatawag na global warming o ang unti-unting pag-init ng mundo. Ayon sa mga dalubhasa, may dalawang pangunahing sanhi ng climate change. Una, ang likas na pagbabago ng klima ng buong mundo nitong mga nagdaang panahon.
Ang ikalawang sanhi ay ang pagtaas ng libel ng greenhouse gases sa kalawakan, partikular ang carbon dioxide na resulta ng mga gawain ng tao. Halimbawa nito ang paggamit ng mga sasakyang gumagamit ng petrolyong langis, at ang walang pakundangang pagputol ng mga punong nag-aalis ng carbon dioxide sa hangin.
Kung hindi maiibsan, delubyo ang hatid ng climate change. Sa kasalukuyan, nakararanas ang ibang bansa ng heatwave o kaya naman ay mas mahabang panahon ng tagtuyot. Dito sa Pilipinas, mas malalakas na bagyong nagdudulot ng mapaminsalang pagbaha ang ating nararanasan. Kasabay ng pagtaas ng temperatura ng daigdig ang paglaganap ng mga sakit at malawakang malnutrisyon dahil apektado rin ang supply ng pagkain.
Kaya nga sa kanyang encyclical na Laudato Si’, inihalintulad ni Pope Francis ang tahanan nating lahat—ang kalikasan—sa isang kapatid na nananaghoy dahil sa kapinsalaang ginagawa natin sa kanya. Dumating na tayo sa puntong itinuturing natin ang ating sarili bilang panginoon at amo na may karapatang abusin ang kalikasan. Pinapaalalahanan tayo ng ating Santo Papa sa ating kaugnayan sa kalikasan: ang ating mismong katawan ay yari sa kanyang mga elemento, inihihinga natin ang kanyang hangin, pamatid-gutom at uhaw ang kanyang katubigan. Panahon na upang itigil ang pagpapabaya at pagmamalabis sa ating kapatid na dumaraing sa kanyang paghihirap.
Dahil nga “climate change is already here”, kinakailangang nang magtulungan ang mga bansa sa buong mundo upang maibsan ang mga sanhi ng pag-init ng daigdig. Upang tumugon dito, nagkasundo ang mga bansang kasapi ng United Nations sa tinatawag na “Paris Agreement on Climate Change”. Kasama ang Pilipinas sa mga bansang nangakong panatilihing mababa pa sa 2 degrees Celsius ang pagtaas ng temperatura sa mundo kumpara noong panahon bago ang industriyalisasyon.
Inoobliga rin ng kasunduang magtakda ng national target ang bawat bansa sa pagbawas o paglimita sa kanilang greenhouse gas emissions. Kailangang mag-ulat ang ng mga bansa at i-update ang kanilang mga target tuwing ikalimang taon. Hatid ng Paris Agreement ang pag-asa tungo sa pagbabago.
Nakakalungkot lang ibalita, mga Kapanalig, na noong nakaraaang linggo, ipinahayag ni Pangulong Duterte na hindi niya kikilalanin ang kasunduan. Katwiran niya, hindi naman daw siya ang pumirma roon.
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)