Nakabangon ang University of Perpetual mula sa pagkatalong nalasap sa league leader San Beda College nang talunin ang defending champion Letran, 61-55, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament, sa San Juan Arena.

Nagposte ng double-double —21 puntos at 16 na rebound— si Nigerian slotman Bright Akhuetiie habang nag-ambag ng 14 na puntos at pitong rebound si Gab Dagangon at nagparamdam na rin sa wakas ang nagbabalik na si Jeffrey Coronel sa naiskor na 13 puntos, limang rebound, dalawang assist, at isang steal.

Dahil sa panalo, umangat ang Altas sa barahang 3-2, at dumausdos ang Letran sa 4-2.

Nanguna para sa Knights si Rey Nambatac na nagtala ng 19 na puntos at walong rebounds, malayo sa naitalang career-high na 40 puntos kontra San Sebastian sa nakaraang laban.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Mula sa season low na anim na puntos na produksiyon sa first quarter, umarya ang Altas para makuha ang 27-26 bentahe sa halftime.

Naging dikdikan ang laban sa second half, subalit mas naging matatag ang Altas sa krusyal na sandali.

(Marivic Awitan)