ISA sa mga bayan sa Eastern Rizal na matibay ang pagpapahalaga sa kanilang namanang tradisyon na nakaugat na sa kultura ng mga mamamayan ay ang Pililla.

At kahapon, Hulyo 22, ay masaya, makulay at makahulugang ipinagdiwang ang kapistahan ni Sta. Maria Magdalena, ang patroness ng Pililla. Ayon kay Mayor Dan Masinsin, ang bagong mayor ng Pililla, tulad ng dati, ang pagdiriwang ng kapistahan ni Sta. Maria Magdalena ay pinangungunahan ng thanksgiving mass sa makasaysayang simbahan ng Saint Mary Magdalene Parish na itinayo noong 1673. Ang kapistahan, ayon pa kay Mayor Masinsin, ay panahon ng pasasalamat ng mga mamamayan sa Dakilang Maykapal sa patnubay ng kanilang patroness. Ngayong 2016, ang pagdiriwang ng kapistahan ni Sta. Maria Magdalena ay ika-433 taon na.   

Naging bahagi rin ng pagdiriwang ng kapistahan ni Sta. Maria Magdalena ang prusisyon na nilahukan ng mga mamamayan, mag-aaral, kabataan, iba’t ibang religious organization, at mga deboto ni Sta. Maria Magdalena. Tampok din sa pagdiriwang ang “MAGDALA” street dancing na nilahukan naman ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa Pililla at ng mga kabataan sa iba’t ibang barangay sa kabayanan. Sinundan ito ng musical jamboree sa gabi na ginanap sa patyo ng simbahan ng Pililla.

Ang Pililla, ayon sa kasaysayan nang dumating ang mga paring misyonerong Franciscano noong 1572, ay pinangalanan ang nasabing lugar na PILANG MORONG sapagkat ito ay nasa pamamahala ng Morong. At noong 1583, ang bayan ay nahiwalay sa Morong at nagkaroon ng bagong pangalan. Tinawag na PILILLA na ang kahulugan ay maliit na Pila upang maiba ito sa Pila, Laguna. Hindi nagtagal, ang simbahan ng Pililla ay isinaayos, sa tulong ng mamamayan, yari sa kugon at kawayan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ngunit nasunog ang simbahan noong 1632. Muling naitayo ang simbahan na yari na sa bato noong 1673. Mula noon hanggang sa ngayon, ang simbahan ng Pililla ay naging dambana ni Sta. Magdalena at sanktuwaryo ng pananampalataya ng mga taga-Pililla at iba pang may panata at debosyon kay Sta. Maria Magdalena.

Naganap sa Pililla noong 1679 na umapaw ang tubig sa Laguna de Bay (malapit sa lawa ang Pililla). Ang makasaysayang simbahan ay lumubog sa tubig. Dahil dito, ang pari ay sa koro nagmisa at ang mga nagsisimba naman ay nakasakay sa mga bangka.

Naging isang bayan na ng Rizal ang Pililla nang maging lalawigan na ng Rizal noong Hunyo 11, 1901 na dating kilala sa tawag na Morong District. Sa pagsisikap ng mga namuno sa Pililla, tulad nina dating Mayor Nick Patenia (SLN) at dating Mayor Andro Masikip, unti-uting itong nakabangon sa kaunlaran. At ngayon ay isa nang Class A municipality. Sa Pililla matatagpuan ang Malaya power plant na nagbibigay ng electric power sa mga bayan sa ikalawang ditrito ng Rizal at iba pang bayan sa Luzon. Nadagdag pa ang Pililla Wind Farm na bukod sa nagbibigay ng renewable energy ay naging isang tourist destination sa Pililla at lalawigan ng Rizal.

Ang pagdiriwang ng kapistahan ay bahagi na ng kultura at tradisyon na nagpapatingkad sa pagkakakilanlan ng isang bayan. Nakaugat na ito ngayon sa mga mamamayan ng Pililla, kasama ang pagpaparangal kay Sta. Maria Magdalena.

(Clemen Bautista)