Pinalaya ang isa sa pinakamataas na lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Western Visayas para makasali sa usapang pangkapayapaan na gaganapin sa Agosto 20-27, sa Oslo, Norway.
Si Maria Concepcion Bocala, 64, kilala rin bilang Ka Concha, Ka Merly at Ka Etang, ay secretary general ng CPP para sa Komite Rehiyon Panay.
Ayon kay Atty. Janne Baterna, abogado ni Bocala, binigyan ng amnestiya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kliyente upang maging isa sa mga negosyador sa peace talks sa Oslo, Norway sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Nagkaroon na umano ng kasunduan noon ang Department of Justice (DoJ) at Supreme Court tungkol sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
Nadakip si Bocala noong 2015 sa Calumpang, Molo, Iloilo City sa bisa ng arrest warrant kaugnay sa kasong murder at rebellion. Siya ay may patong sa ulo na P7.8 milyon. (Fer Taboy)