SA pangkalahatan, ang mensahe sa halos lahat ng nagdaang State of the Nation Address (SONA) ay nakatuon sa mga programa na nais ipatupad ng isang Pangulo sa panahon ng kanyang panunungkulan. Totoo na kung minsan, ang naturang mga mensahe ay nababahiran ng mga pagtuligsa at iba pang pasaring na ipinagkikibit-balikat naman ng mga kinauukulang lider at ipinanggagalaiti ng ilang sektor ng mga mamamayan.

Sa kauna-unahang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakda niyang ihayag sa Lunes, kabilang ako sa mga umaasa na ang kanyang mensahe ay tatampukan din ng mga patakaran at proyektong magpapaangat sa kabuhayan ng ating bansa at ng sambayanang nakalugmok pa sa karalitaan; mga pagbabago na hindi nadama at nabigong maipatupad ng nakalipas na mga pangasiwaan.

Laging ipinangangalandakan ni Duterte na determinado ang kanyang administrasyon na puksain ang kriminalidad, iligal na droga at mga katiwalian sa gobyerno. Katunayan, hindi pa halos nagsisimula ang kanyang pangangasiwa, kumilos na ang halos buong puwersa ng pulisya at militar upang lipulin ang mga naghahasik ng karahasan sa mga komunidad; patuloy ang pagtugis sa mga pusher at user ng mga bawal na gamot, kabilang na ang mga drug lord at mga kakuntsaba ng mga ito.

Maaaring maging bahagi rin ng mensahe ni Duterte ang paglipol sa mga salot ng kabundukan, tulad ng illegal miners at illegal loggers; ang mga ito ang pumipinsala sa ating kalikasan at kapaligiran na sa kalaunan ay nakakaapekto na rin sa ating mga magsasaka. Ang mga punongkahoy na ibinubuwal ng mga kaingenero ang pamigil sana sa tubig na nagiging sanhi ng pagbaha sa kapatagan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Totoong hindi marapat pangunahan ang Pangulo sa kanyang mga ipahahayag, subalit naniniwala ako na ang kanyang SONA ay hindi mababahiran ng paninisi sa nakalipas na administrasyon. Hindi niya tutularan ang sinumang pinuno na laging binabagsakan ng sisi ang isang lider sa sinasabing pagkakamali ng mga ito; mga lider na nagmamalinis sa kabila ng mga kapalpakan ng kanilang pamamahala. Batid ni Duterte na ang pagtanggap sa mga kamalian at pagkukulang ay simbolo ng pagkamaginoo, tulad ng ipinamalas ng isa niyang Cabinet official – si Secretary Art Tugade ng Transportation kaugnay ng problema sa MIAA.

Sa ilang paksang ito nakaangkla ang malaking pagkakaiba ng SONA ni Duterte. (Celo Lagmay)