Idudulog ng Pilipinas ang isyu sa South China Sea sa 49th Asean Foreign Ministers’ Meeting (AMM) sa Vientiane, Laos na magsisimula ngayong araw (Sabado) hanggang sa Hulyo 26.
Ito ang unang ministerial meeting ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na dadaluhan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay simula ng umupo sa puwesto.
Ayon sa DFA, ibabahagi ni Yasay ang pagbabago sa tensiyon sa karagatan at ang posisyon ng Manila sa mga isyung pangrehiyon kabilang ang karahasan, trafficking in persons, ilegal na droga, pagbabago ng klima (climate change) at iba pa.
Sa sidelines ng pulong, makakapulong ni Yasay ang ilang counterparts upang makipagpalitan ng pananaw sa mga usapin na makakaapekto sa bilateral relations, mga isyu sa rehiyon at sa daigdig.
Ang AMM ang ikalawang regular na pagpupulong ng foreign ministers ng ASEAN ngayong taon sa ilalim ng chairmanship ng Laos matapos ang Asean Foreign Ministers’ Retreat noong Pebrero.
Dadalo rin si Yasay sa Ministerial Meetings ng Asean Plus Three, Asean Regional Forum, at East Asia Summit (EAS) kasama ang Asean Post-Ministerial Conference sa China, India, Canada, Australia at United States (US) bilang dialogue partners.
Nakalinya rin ang kalihim sa pagdalo nito sa mga pulong ng Southeast Asia Nuclear Weapon-Free Zone Commission, AMM Interface with the Asean Intergovernmental Commission for Human Rights Representatives, at ng Southwest Pacific Dialogue. (BELLA GAMOTEA)