BILANG isa na ring ina, tinanong si Dimples Romana sa presscon ng teleseryeng The Greatest Love kung ano ang mahirap na parte sa pagiging magulang at ano ang naging epekto nito sa buhay niya.

“Nabago ako bilang babae kasi bata pa ako no’n (nag-asawa), 19 lang ako. Parang mas naintindihan ko ‘yung nanay ko, totoo pala ‘yun. Kasi grabe kami mag-away ng nanay ko kasi hindi ko siya naiintindihan, pero nu’ng lumabas si Kyle (panganay na anak), lahat ng sakit na ipinaramdam ko sa nanay ko feeling ko bumalik sa akin lahat.

“Iniisip ko, babae pa naman ‘yung una kong anak, paano kung ako ang dadaan do’n, baka mas malala pa sa reaksiyon ng nanay ko ang magiging reaksiyon ko.

“My mom did her very best and I know she really handled herself very well and I’m very proud of her dahil ang hirap ko po sigurong maging anak, kasi ang dami kong pangarap sa buhay, so parang lahat ‘yun, na put on hold dahil kailangan kong unahin ‘yung anak ko.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Kasi kapag nagiging nanay tayo, nag-iiba na ang mundo mo, eh, at hindi na ikaw, wala na ang ako, siya (anak) na lang, siya na lang ang prayoridad. Lahat ng gagawin ko para sa kanya.

“Pero ‘yung pinakamahirap siguro ‘yung pagka may tinanong sila sa ‘yo na hindi mo alam kung ano ang sagot sa tanong nila, ‘yun ang pinakamahirap, di ba?

“Like, mommy bakit ako nabu-bully, bakit ganito ako? Parang gusto mo nang akuin lahat, gusto mo na lang, sige akin na. Pero hindi mo puwedeng gawin, kasi ‘yun ang rule ng mundo, ‘yun ang rule ng pag-ibig ng magulang at anak, kailangan pagdaanan nila.

“Kaya mas naiintindihan ko ang nanay ko nu’ng naging ina ako,” mahabang pahayag ni Dimples.

Dalawa ang anak ni Dimples at malayo ang agwat ng panganay sa bunso niya na sadyang plano nilang mag-asawa.

(Reggee Bonoan)