NATUPAD ang dream ni Coco Martin na makilala at makaharap nang personal si Philippine National Police Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa dahil gusto niya itong hingan ng payo kung ano pa ang puwedeng gawin ng programang FPJ’s Ang Probinsyano upang epektibong maging katuwang ng PNP sa pagsugpo ng kriminalidad sa bansa at alamin na rin kung ano ang feedback sa programa.
Sa thanksgiving presscon ni Coco kamakailan, nabanggit niyang hindi pa niya nakikilala ang bagong tatag na PNP chief ng Duterte administration at gusto nga raw niya itong makilala at makausap.
Wala pang isang linggo buhat nu’ng thanksgiving ni Coco, heto at nakaharap at nakilala na niya si PNP Chief Bato noong Miyerkules sa opisina nito sa Camp Crame at talagang tuwang-tuwa ang aktor habang kausap ang tinaguriang ‘bato’ ng kapulisan.
“Maganda ang ginagawa n’yo sa Ang Probinsyano. Bumabalik ang kumpiyansa ng mga tao sa mga pulis,” ayon sa hepe ng PNP.
Nabanggit pa ni Director General Bato na, “Sana tuluy-tuloy na iyan.”
Sa madaling sabi, ayaw din ni PNP Chief na tapusin ang seryeng Ang Probinsyano na nabanggit din ni Coco sa thanksgiving presscon, tuluy-tuloy pa rin ang programa hangga’t hindi naso-solve ang kriminalidad sa bansa.
Kaya nga nagbiro pa kami sa aktor at sa program manager ng show na si Ms. Dagang Vilbar, ‘Aabutin pala ng six years ang show para sabayan ang termino ni President Rodrigo Roa Duterte.’
Timing naman kasi tinatalakay ng Ang Probinsyano ang illegal drug trade, prostitution rings, police corruption, child abductions at ang kasalukuyang umeereng pagpatay sa mga kilalang tao.
Aminado si Coco na starstruck siya nang makaharap niya si PNP Chief Bato.
“Nakakatuwa na napaka-down-to-earth niya at napakasimple. Nagpasalamat din po ako sa suporta na ‘binibigay sa amin ng PNP, sa tulong na ipinagkakaloob nila sa amin.
“Nagpapasalamat din sila na dahil sa soap opera na ginagawa namin, eh, naibabalik ang tiwala at pagmamahal ng mga tao sa pulis.
“Honestly, napakasarap po sa pakiramdam namin. Talaga pong pinaghihirapan namin ang aming trabaho.
“And bukod pa doon, para po sa amin, masarap sa pakiramdam na nakakatulong po kami sa ating gobyerno, sambayanan para masugpo ang mga kriminalidad dito sa Pilipinas,” masayang kuwento ng aktor sa TV Patrol. (REGGEE BONOAN)