ZAMBOANGA CITY — Walang intresadong buyer para sa BRP Ang Pangulo, presidential yacht na ibinebenta sana ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, plano ng Pangulo na ang 57-taong barko ay gawin na lamang ospital para sa mga sundalong masusugatan sa labanan.
“Sana nga noon, ipagbili ko ‘yung Pag-asa (BRP Ang Pangulo) to rebuild ‘yung V. Luna pero sabi nila, nobody’s--- no takers ‘yan kasi luma na, mahina. I will either convert it into a hospital, tingnan ko lang kung how much I would spend,” ani Duterte sa government troops sa Western Mindanao Command headquarters noong Huwebes ng gabi.
Ang nasabing barko ay dadalhin sa mga lugar kung saan may labanan. “Gagawin ko ‘yang hospital, ilalagay ko sa… well, wherever the fighting is, sirain ko lang ‘yung loob, lagyan ko lang ng mga operating rooms, para iyan ang gawin ko. Walang silbi ‘yan barko na ‘yan eh so pakinabangan na lang natin,” dagdag pa ng Pangulo.
Ang 77.33 meter-long, 2,200-ton ship ay ibinigay sa administrasyon ni Carlos P. Garcia noong 1959 bilang bahagi ng war preparations ng Japan.
Nagpalit-palit na ito ng pangalan at ginamit na sa iba’t ibang misyon tulad ng relief, emergency transport at support para sa Philippine Navy (PN). (Genalyn Kabiling)