Inihayag kahapon ni incoming Bureau of Corrections (BuCor) Director Major Gen. Alexander Balutan ang planong ilipat sa military facility ang 19 high profile inmates o tinaguriang “Bilibid 19” na nakapiit sa Building 14 ng maximum security compound sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ilan sa mga ikinokonsiderang paglilipatan ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) detention center; Tanay detention facility at Caballo Island sa Cavite na unang binisita ng BuCor na maaaring paglipatan sa mga high profile inmates kabilang ang mga convicted drug lords na sina Herbert Colangco; Jayvee Sebastian at Peter Co.
Tiwala si Balutan na bagama’t epektibo ang implementasyon ng Oplan Galugad bilang paghihigpit ng seguridad kontra sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa NBP, umaabot pa rin sa 75% ang ilegal na gawain mula sa piitan kaya ipatutupad nito ang “kamay na bakal” upang tuluyang matuldukan ito.
Kontrolado na ngayon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang pagbabantay at pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa loob at labas ng NBP. (Bella Gamotea)