Sa mahigpit na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na sugpuin ang mga fixer sa mga ahensiya ng pamahalaan, walong fixer sa Land Transportation Office (LTO) ang ipinaaresto ni LTO chief, retired General Edgardo Galvante sa mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) sa Lungsod Quezon kahapon.
Kinilala ni Police Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Batasan Police Station-6, ang mga inarestong sina Senecio M. Datul, Monroe M. dela Cruz, Ryan E. Francisco, Jose Cabaldores, Erwin P. Buhat, Mark SM Estrella, at Dennis A. San Pedro.
Base sa report, dakong 9:00 ng umaga nang arestuhin ang illegal fixers sa bisinidad ng tanggapan ng LTO sa East Avenue, QC at agad sinampahan ng QCPD sa Quezon City Prosecutors Office ng kasong paglabag sa City Ordinance 1656 (anti-fixer ordinance) at kasalukuyang nakapiit sa Kamuning Police Station 10, kabilang ang isa pang LTO fixer na si Rudy Baquilan.
Nabatid inaresto si Baquilan ng LTO security officer at dinala sa nasabing himpilan ng pulisya dahil sa kasong estafa at paglabag sa City Ordinance 1656 sa reklamo ng nabiktimang si Luisito O. Besas Jr. matapos bakalan ng una ng P1,500 para makakuha ng non-professional driver’s license. (Jun Fabon)