SI Sharon Cuneta pala ang naging inspirasyon ni Jojo Campo Atayde o mas kilala bilang si Sylvia Sanchez kaya pinasok niya ang showbiz.
High school si Ibyang sa Nasipit, Agusan del Norte noong 1986 nang bumiyahe papuntang Butuan City para lang manood ng Sana’y Wala Nang Wakas na pinagbidahan nina Sharon, Dina Bonnevie at Cherie Gil.
“Naiiyak ako na masaya kasi ‘tong first bida role ko na The Greatest Love, kinanta ni Sharon sa Sana’y Wala Nang Wakas, kaya gustung-gusto ko ‘tong kanta kasi Sharonian talaga ako,” bungad na kuwento ni Ibyang nang makausap namin sa telepono.
“Nu’ng hayskul ako, um-attend lang ako ng flag ceremony ‘tapos umalis na ako ng school, bumiyahe ako papuntang Butuan para lang manood ng Sana’y Wala Nang Wakas. At dahil sa pelikulang ‘yun at kay Sharon, inisip ko, gusto kong mag-artista, kaya nu’ng may pumuntang talent coordinator daw sumama kaagad ako paluwas Maynila, ‘tapos iba pala nangyari.
“Anyway, hindi naman kasi ako nagsasabi, pero Sharonian talaga ako, nu’ng nalaman ko na si Sharon ang kakanta ng theme song nitong soap drama ko na The Greatest Love, naluluha ako, kasi hindi ko inaasahan ito. Isipin mo, after 27 years, na pinapanood ko lang si Sharon, heto bida na ako at si Sharon pa ang kumanta, di ba?
“Apat ang hinahangaan kong aktres, si Sharon kasi kainitan niya noon, megastar siya at gusto ko siyang umarte rin, ‘tapos si Janice de Belen at si Maricel Soriano, talagang idol ko sila sa pag-arte. Pero ang gusto kong sundan ng yapak, si Cherie Gil kasi kontrabida siya.
“Gusto ko kasi ang papel ni Cherie Gil, nang-aaway, ha-ha-ha! Gusto ko ‘yun at hindi siya nawawalan ng project maski na nawawala siya, umaalis ‘tapos pagbalik meron uli siyang project kasi magaling talaga siya.
“Sa mga kanta, gusto apat lang ang alam kong kanta at memoryado ko, ang Sana’y Wala Nang Wakas dahil kay Sharon, That’s What Friends Are For na kinanta nilang tatlo sa movie, Hiram ni Zsa Zsa Padilla kasi gusto ko ‘yung melody, pero hindi ako hiram, ha, asawa ako at itong The Greatest Love of All kasi kinanta nga ni Sharon, ha-ha-ha,” masayang tinig ni Ibyang sa kabilang linya.
Nagkakilala na ba sila ni Sharon?
“Oo, 10 years ago, sa birthday ni Tita Angge. ‘Tanda ko, magkasama kami sa table, kuwento siya nang kuwento, ako nakatitig lang, tulala ako talagang speechless ako, kasi kaharap ko ang idol ko.
“’Tapos nakasama ko siya sa movie nila ni FPJ (Fernando Poe, Jr.), pero guest lang ako kasi dream sequence ‘yun, Kahit Konting Pagtingin (1990). Nanaginip kasi si Sharon na ikinakasal sa ibang babae si FPJ, ako ‘yung pinakasalan.
‘Yun lang.
“Kaya sana makasama ko siya sa project, maski na anong project basta makasama ko lang si Sharon.
“Sina Maricel at Dina nakasama ko na sa movie, forgot ko na title at si Cherie nakasama ko sa teleserye, silang tatlo, nakasama ko sa full length, si Sharon lang hindi kaya sana magkaroon din.”
Walang talagang nakakaalam kung ano ang itinakda ng Diyos sa bawat tao, sino ang mag-aakala na ang batang taga-Nasipit, Agusan del Norte na umiidolo kay Sharon ay heto at nasa iisang industriya na sila.
“Sobrang saya ko talaga, Reggs, grabe, hindi ko ini-expect talaga, mahal ako ng Diyos. Kaya sobrang nagpapasalamat ako. Sa lahat ng taong naging dahilan kaya ako narito ngayon sa kinalalagyan ko at sa mga suporta ng lahat ng nakatrabaho ko sa ABS-CBN, sa mga boss ko, sa mga naniniwala sa akin, salamat nang sobra-sobra,” masayang sabi ni Ibyang.
At heto na, namumuroblema si Sylvia dahil kailangan niyang mag-guest sa ASAP at may mall shows siya, ano raw ang gagawin niya. Biniro naming sumayaw siya.
“Ayaw ko. Baka kumanta na lang ako,” sabi sa amin.
Kaya hulaan na lang kung alin sa apat na kantang memoryado ng aktres ang kakantahin niya, ang The Greatest Love of All, Hiram, That’s What Friends Are For, at Sana’y Wala Nang Wakas.
Kasama ni Ibyang sa The Greatest Love sina Dimples Romana, Aaron Villaflor, Mat Evans at Andi Eigenmann sa direksiyon ni Dado Lumibao mula sa GMO unit. (Reggee Bonoan)