Mga pulis naman ang iniisa-isang itumba ngayon.

Dalawang drug suspect, kabilang na ang police officer na naka-absence without leave (AWOL), ang pinatay sa ikinasang buy-bust operation sa Aroma Temporary Housing, Vitas sa Tondo, Maynila dakong 2:00 ng madaling araw kahapon.

Ang dalawang pinatay na drug suspect na kabilang sa drug watch list ng Balut Tondo Police Station, ay kinilalang sina PO3 Bobby Orit, 40, dating nakadestino sa National Capital Region Police Office-Regional Police Holding and Accounting Unit at Danillo Guevarra, alyas “Kuba”, 43, ng Tondo, Maynila.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nang makaramdam sina Orit at Guevarra na police undercover si Police Senior Inspector Gilbert Cruz, sinubukang paputukan ni Orit ang mga operatiba, ngunit pumalya ang kanyang baril. Dahil dito ay pinagbabaril na ni Cruz ang dalawang suspek.

National

PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'

Samantala, nitong Miyerkules ng hapon sa Caloocan City, pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang pulis na pasok sa watch list dahil sa pagkakasangkot umano sa ilegal na droga.

Nakasampa pa ang mga paa sa motorsiklo at naliligo sa sariling dugo si PO3 Arturo Viernes, 43, ng Barangay 181, Pangarap Village ng nasabing lungsod, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP)-5 ng Caloocan Police, nang datnan ng mga awtoridad.

Ayon sa report, dakong 2:00 ng hapon nangyari ang pananambang sa harap ng isang internet café sa panulukan ng Durian at Mabolo St., Bgy. 178, Camarin, Caloocan City.

Pagbaba umano ni Viernes sa kanyang motorsiklo para pumasok sa internet café, bigla umanong sumulpot ang riding-in-tandem at walang habas na pinagbabaril si Viernes.

Base sa record ng Caloocan City Police, kabilang si Viernes sa listahan ng mga sangkot sa illegal drug activities.

Bukod diyan, apat na pulis naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagpositibo sa ilegal na droga.

Isiniwalat ni QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar nitong Miyerkules na ang mga pulis na ito ay sina PO2 Marlou Baradi, ng District Public Safety Battalion; PO2 Cornelio Sarmiento ng Anonas Police Station; PO1 John Santos ng Batasan Police Station at PO1 Porferio Sarigumba ng Talipapa Police Station.

Sinabi ni Eleazar na ang screening at confirmatory tests ay isinasagawa sa pamamagitan ng kanilang specimen at sila’y positibo sa ilegal na droga na kung tawagin ay Methylamphetamine.

Gayunman, nakiusap ang apat na pulis na muling sumailalim sa drug test upang masigurong tama ang naunang resulta, ayon sa hepe.

Ayon pa kay Eleazar, nakatakdang ilipat ang apat na pulis sa NCRPO Regional Headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City kung saan sila’y sasailalim sa summary dismissal proceedings.

(JAIMIE ROSE ABERIA, ORLY BARCALA at VANNE ELAINE TERRAZOLA)