Kabilang na ang San Beda College sa sasabak sa Shakey’s V League Collegiate Conference na magbubukas sa Hulyo 30, sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

“Yes they are confirmed,” pahayag ni Sports Vision president Ricky Palou.

Ang Lady Red Spikers ang isa sa 10 koponang lalahok sa mid-season tournament.

Ang kambal na sina Nieza at Jeziela Viray, kasama ang iba pang beterano ng koponan na sina Rebecca Cuevas, Jeorge Domingo, Daryl Racraquin at Brandy Kramer ang inaasahang mangunguna sa kampanya ng Lady Red Spikers.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Lalahok din ang San Beda sa Spikers’ Turf Collegiate Conference na kasabay ding magsisimula kung saan tampok ang 12 koponan.

Nakatakdang depensahan ng National University, sa pangunguna ng 6-foot-5 spiker na si Jaja Santiago at setter Jasmine Nabor, ang kanilang titulo.

Bukod sa Lady Red Spikers at Lady Bulldogs, makikipagsapalaran din sa season ending conference ng V-League ang UAAP Season 78 runner-up Ateneo, reigning NCAA champion College of Saint Benilde, San Sebastian, Far Eastern University, University of Perpetual Help System Dalta, University of the Philippines, University of Santo Tomas, at Technological Institute of the Philippines.

Ang mga nasabing koponan ay hinati sa dalawang grupo at magkakasama sa Group A ang Lady Eagles, Lady Stags, Lady Altas, Lady Bulldogs, at Lady Engineers. Magkakasama naman sa Group B ang Lady Blazers, Lady Tamaraws, Lady Red Spikers, Lady Maroons, at Tigresses.

Ang bawat grupo ay lalaro sa single round kung saan ang top three teams ng magkabilang bracket ay uusad sa quarterfinals.

Sa quarterfinals, maglalaro ng isang round at ang apat na mangungunang teams ang uusad sa semifinals na isang best-of-three series kung saan ang dalawang magwawaging koponan ang magtutuos sa isa ring best-of-3 finals series. (Marivic Awitan)