Nag-isyu ang gobyerno ng Kuwait ng mga bagong panuntunan para sa medical examination ng mga kukuning manggagawa mula sa ibang bansa para protektahan ang stakeholders kabilang ang mga overseas Filipino worker (OFW), medical clinic, licensed recruitment agencies at iba pa.

Epektibo na ang bagong panuntunan sa ilang labor-sending countries tulad ng Egypt, Sri Lanka, Jordan, India at inaasahang ipatutupad na rin ito sa Pilipinas.

“WINSTON KW, the international testing institution contracted by the Kuwaiti government to ensure quality of standard provided by approved medical clinics, is going to be very strict on ensuring the very high standard of quality of equipment and reagents that will be used by clinics,” tiniyak ni Mr. Ahmed Menwer, General Manager ng WINSTON.

Isa sa pangunahing benepisyo sa bagong sistema na bigyang proteksiyon ang OFW laban sa hindi makatwirang deportasyon o repatriation dulot ng mali o pekeng medical tests sa nakalipas na medical system. Patas itong makaiiwas sa pagkalugi ng maraming stakeholders sa pribadong sektor sa overseas recruitment industry.

National

VP Sara, itinuturing na ‘mastermind’ sa assassination plot vs PBBM – DOJ

Sa ilalim ng bagong sistema, parurusahan ang mga tiwaling medical clinic, sa pamamagitan ng pagbabalik ng kompensasyon sa mga naluging partido partikular sa OFW, na mabigong magpatupad ng istrikto at maayos na medical examinations na naging dahilan ng hindi inaasahang deportasyon o repatriation ng Pinoy workers at pagkawala ng kita ng kanilang pamilya.

Tugon ito sa napaulat na mga reklamo ng maraming Kuwaiti employers na tumatanggap ng kanilang dayuhang manggagawa na may hindi naayong resulta sa medical exam pagdating ng mga ito sa Kuwait.

Tumaas ang gastusin sa repatriation, mula sa exit-pass documentation at pasahe sa eroplano na ipinapasa sa recruitment agencies dahilan para kumilos ang gobyerno ng Kuwait at itaas ang standard level sa testing procedures.

Susuriin ang mga kasaling medical clinic, pinili o aprubado ng kinatawan ng Kuwaiti Ministry of Health, para sa napakataas na standard testing at ang lahat ay dapat na ISO-certified.

Makikipagkoordinasyon ang Kuwait Embassy sa Manila sa lahat ng partido upang makamit ang layunin nitong maalis ang mga balakid sa tagumpay at sa implementasyon ng sistema sa proteksiyon ng kapakanan at kalusugan ng OFW na magtutungo sa Kuwait.

Inaasahang ipatutupad ang bagong sistema, dalawang linggo matapos itong mailathala sa mga pahayagan. (BELLA GAMOTEA)